Guro na naman!
NOONG Marso sinulat ko ang tungkol sa isang babaing guro sa Maynila na gumawa ng TikTok video na ang laman ay pagmumura, panlalait at kung anu-ano pang masasakit na salita na sinabi niya sa kanyang mga estudyante. Nag-viral ang video ng hindi pinangalanang guro.
Sabi ng guro sa video: “Hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad n’yong wala pa namang nararating sa buhay. Hindi na nga kayo matalino, ang sama pa ng mga ugali ninyo. Palibhasa mga taga-squatters kayo!”
Hindi naman nilinaw kung bakit nagsalita ng ganito at vinideo pa ng guro ang insidente. Sabi naman ng guro, hindi raw niya alam na naka-rekord ang pangyayari.
Nangako naman ang Department of Education (DepEd) na iimbestigahan ang pangyayari, pero tatlong buwan na ang nakalipas, walang imbestigasyong naganap.
Nawalang parang bula ang ginawang panlalait ng guro.
Akala ko wala nang gurong masasangkot sa ganung kontrobersiya. Pero nagkamali ako dahil isa na namang guro sa Lubao, Pampanga ang na-videohan na sinasaktan ang kanyang tatlong estudyanteng lalaki sa loob ng classroom noong Lunes.
Kuhang-kuha sa video ang pagpalo at pagsabunot ng babaing guro sa tatlong Grade 9 students sa Lubao. Bukod sa pananakit, pinagsalitaan din nang masasakit ng guro ang tatlong estudyante.
Ayon sa hepe ng Lubao police station na si Lt. Col. Dedrick Relativo, naganap ang insidente habang nagbibigay ng pagsusulit ang guro. Nagkaroon daw ng pagtatalo ang mga Grade 9 students. Bigla raw nagalit ang guro at sinaktan at pinagsalitaan nang masasakit ang tatlong estudyanteng sangkot.
Sabi ng Schools Division Office ng Pampanga, inalis na raw ang guro at sinampahan na ng reklamo sa DepEd Regional Office.
Hindi kaya mawalang parang bula rin ang pag-iimbestiga ng DepEd sa nasabing guro? Kung walang mangyayari, asahan nang may mga magaganap pang pagmamalrato, pag-abuso at paglabag sa karapatan ng mga bata (Article 7610 o Child Abuse Law).
Nararapat may maparusahan para magsilbing aral sa mga guro na nananakit at nagbi-verbal abuse.
Naniniwala ako na hindi dapat maging guro ang mga maiikli ang pasensiya at madaling magalit.
- Latest