Matapos makapag-almusal at eksaktong maliwanag na ang paligid, nagpaalam na si Honor kay Inah at Itay Nado.
“Hindi na po ako magtatagal, Itay Nado. Kailangan ko rin pong makabalik sa Maynila.’’
“Sige Honor. Maraming salamat muli sa pagtulong mo sa mga anak ko.’’
“Wala pong anuman, Itay Nado.’’
Binigyan ni Honor ng pera si Inah.
“Kailangan mo ito dahil maysakit ang inay mo. Mag-text o tumawag ka na lamang sa amin kung may kailangan kayo.’’
“Salamat Kuya,’’ sabi ni Inah at yumakap.
“Sige aalis na ako. Sabihin mo na lang sa inay mo na maayos ang kalagayan ni Yana sa Maynila.’’
“Opo Kuya, mag-ingat ka.’’
Umalis na si Honor sakay ng kotse. Inihatid siya nina Inah at Itay Nado.
“Napakabuti nilang mag-asawa, Itay. Si Kuya Honor ang isa sa nagligtas sa akin sa sindikato ng white slavery. Kung hindi sa kanya, baka kung ano na ang nangyari sa akin—baka patay na ako…’’
Ikinuwento ni Inah sa kanyang itay ang mga nangyari sa kanya mula nang ma-recruit sa probinsiya at dalhin sa Maynila.
(Itutuloy)