NOON ay Abril 1988. Lahat nang mga nabili kong relo sa Saudi Arabia ay ipinadala ko sa Pilipinas. Binigyan ko ng instruction ang aking bunsong kapatid na ilagay sa aking ipinasadyang glass case ang aking mga relo. Pagkatapos ilagay nang maayos ay ikandado ang glass case. Sa aking imbentaryo ay mahigit 1,000 relo ang nasa glass case. Nakalagay sa salas ang glass case kaya kapag may dumadalaw sa aming bahay ay ang case ng mga relo ang unang napapansin. Puna ng mga bumibisita, para raw nakapasyal na siya sa tindahan ng relo nang makita ang koleksiyon ko.
May nagsabi na baka raw pag-interesan ng mga magnanakaw ang mga relo. Bakit daw hindi ilagay sa room. Pero sagot daw ng aking ina at nakababatang kapatid ay mahirap buksan ang glass case. At sabi rin daw ng aking ina, ako ang may gusto na sa salas ilagay ang glass case para laging nakikita.
Nang maipadala ko na lahat ang koleksiyon ko ng relo sa Pilipinas ay saka nangyari ang hindi ko inaasahan.
Isang malaking sunog ang nangyari sa aming lugar sa Sampaloc.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay, mabilis kumalat ang apoy. Nadamay ang aming bahay. Walang naisalba ni isang gamit sa amin. Hindi mabuksan ng kapatid ko ang glass case ng mga relo. Ang pinaghirapan ko, natupok. Pero nagpapasalamat pa rin ako na walang namatay sa aking mga mahal sa buhay. Mula noon, hindi na ako nagkolekta ng mga relo. Pinigil ko na ang sarili.