UGALI na sa pulitika ang manira ng pagkatao ng mga kalaban sukdulang mauwi sa tampuhan at patayan. Walang sinisino kahit kamag-anak, kumpare at kaibigan. Nagwarning na noon si Erap, ‘di ba?
Ang mga dating magkakasama sa political party ay nagbabatuhan ng putik na pinagpipistahan naman ng dati nilang mga kalaban. Mga amoy imburnal!
Kasabihan na walang magpapasingaw ng baho ninuman kundi ang malapit na kamag-anak at mga kaibigan. Sila ang nakaaamoy sa singaw ng kabulukan!
Usong-uso ngayon ang bintangan ng pagkabangag, samantalang ang mga nakikinig ay nagtatawanan. Nababangag na rin dahil sa maruruming bunganga!
May mga kuwento pa ng selos at kaimoralan na pinasisingaw ng magkabilang kampo na puwedeng mauwi sa pagkawasak ng isang tahanan. Gawain ng mga propagandistang walang konsensiya!
Kung papaano nilikha ng Diyos ang tao mula sa putik ay siya rin namang ginagamit ng demonyo sa pulitika. Mga anak ng putik talaga!
Ang pulitika at pagkasakim sa kapangyarihan ay ugat ng kasamaan na pinasimulan sa langit at nagtapos sa mundong ibabaw. Nangampanya nga pala si Lucifer sa kapwa anghel. Laglag nga lang!
Kaya wala na tayong mahagilap na pulitikong may malinis na konsensiya maliban sa magagaling gumawa ng pera.