Dear Attorney,
Verbal lang po ang ginawang pagtanggal sa amin at wala pang isang linggo ito sinabi sa amin bago kami tuluyang hindi pinapasok sa trabaho. May habol ba kami kahit mukhang lugi naman po talaga yung kompanya?—Renz
Dear Renz,
Kahit pa may sapat na dahilan ang employer para magbawas ng empleyado, katulad halimbawa ng matinding pagkalugi, kailangan pa ring sundin ang tamang proseso para rito, kabilang na ang pagbibigay ng karampatang notice sa Department of Labor and Employment (DOLE) at mga apektadong empleyado.
Sa kaso ng SMC v. Aballa et al. (G.R. No. 149011, 28 June 2005), nagawang patunayan ng employer ang matinding pagkalugi ng kompanya na dahilan upang kailanganin ang retrenchment o pagbabawas ng empleyado.
Gayunpaman, verbal o sinabihan lang ang mga apektadong empleyado na sila ay tatanggalin na kaya ipinag-utos ng Korte Suprema na bayaran ng employer ang bawat empleyadong tinanggal nang walang notice ng P50,000.00 bilang nominal damages.
Ang nasabing halaga ay bukod pa sa separation pay na karaniwang natatanggap ng mga empleyadong tinanggal dahil sa retrenchment.
Kaya sa sitwasyon mo, may habol pa kayo sa employer n’yo kung hindi kayo nabigyan ng kaukulang notice ukol sa inyong pagkakatanggal. Kahit pa mapatunayan ng employer na totoo nga ang sinasabing pagkalugi ng kompanya, maari pa rin silang pagbayarin ng daños para sa hindi nila pagsunod sa tamang proseso ng pagtatanggal ng empleyado.
Ito ay bukod pa sa separation pay na dapat ay matanggap niyo rin bilang mga na-retrench na mga empleyado.