Lalaki na kayang makatakas habang nakagapos nang patiwarik sa tubig, nakatanggap ng Guinness Record!
ISANG professional escape artist sa Italy ang nakapagtala ng bagong world record title nang mabilis siyang makatakas habang nakagapos nang patiwarik sa loob ng water tank.
Kinumpirma kamakailan ng Guinness World Records na ang escapologist na si Andrew Basso ang kauna-unahang record holder ng titulong “Fastest Time to Escape from a Water Tank Upside Down with Restrained Hands and Feet”. Ito ay matapos magawa niyang makatakas sa loob lamang ng dalawang minuto.
Naganap ang record attempt ni Basso sa set ng Italian TV show na “Lo Show dei Record”.
Mapapanood sa isang clip mula sa naturang TV show, inilagay sa isang glass tank na puno ng tubig si Basso nang nakatiwarik. Nakaposas ang kanyang mga kamay at nakasabit ang kanyang paa sa dalawang maliit na butas. Ang tuktok ng glass tank ay naka-padlock.
Pagkasimula ng timer, agad ginamit ni Basso ang paper clip para gamitin itong susi sa suot niyang posas. Nang maalis ang posas sa kanyang kamay, mga paa naman ang sinubukan niyang pakawalan. Upang magawa ito, dinislocate niya ang kanyang kanang bukong-bukong para makawala ito sa butas. Inulit niya ito sa kanyang kaliwang bukong-bukong.
Nang makawala ang mga paa, lumangoy siya paakyat para alisin ang padlock ng glass tank. Napakawalan ni Basso ang kanyang sarili sa record time na dalawang minuto at 11 segundo.
Bata pa lamang si Basso ay gusto na niyang maging escape artist. Nagsimula ang pangarap niyang ito nang mabasa niya sa libro ang tungkol sa legendary escapologist na si Harry Houdini.
Sa tulong ng kanyang Guinness certificate, nais niyang ipakita sa buong mundo na walang imposible kapag hinaharap mo ang iyong mga kinatatakutan.
- Latest