‘Ipis’

NANGYARI ito noong Disyembre 2020 bago mag-pandemic. Sa aming opisina ay laging nagdadaos ng Christmas party at bawat empleyado ay kaila­ngang mag-participate sa pagsusuot ng costume. Ang theme nun ay may kaugnayan sa mga usong suot nung dekada 70.

Dahil wala na akong panahon para makapaghanda o makapagpatahi, nag­halungkat na lamang ako sa aming aparador ng mga lumang damit. Nakakuha ako ng pantalon na bell bottom ang laylayan. Nakakuha rin ako ng long sleeves na wet look na may malapad na kuwelyo.

Ayon sa aking kapatid, ginamit daw niya iyon noong Christmas party rin nila, ilang taon na ang nakararaan.

Hindi ko na isinukat dahil magkasingkatawan naman kami ng aking kapatid. Isa pa, nagmamadali ako. Kailangang makarating na ako sa opisina. Ang late darating ay hindi makakasali sa raffle.

Pagdating ko sa opis ay marami nang em­pleyado at pawang naka-costume na. Nagmamadali akong nagtungo sa comfort room para magpalit. Isinuot ko ang pants. Kasyang-kasya. Pati ang long sleeves, sukat na sukat. Nagsuot ako ng sapatos na malaki ang takong. Nagsuot ako ng shades. Elvis na Elvis ang dating ko.

Isa ako sa mga napili. Pinaakyat kami sa stage para sa picture-picture at dun din binigay ang premyo.

Nang inaabot na sa akin ang premyong cash, bigla kong na­ramdaman na may gumapang sa loob ng aking damit. Hanggang umabot sa aking likod. Hindi ko na matiis ang nangyayari kaya naglulundag ako sabay tapik sa aking likod para mapatay ang gumagapang na sa hula ko ay ipis.

Lahat ay nakati­ngin sa ginagawa kong pagwagwag sa aking long sleeves para malaglag ang ipis.

Hanggang sa bumagsak sa sahig ang ipis. Patay na ito.

Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang iyon.

Show comments