DAPAT talagang maging maingat at mapagmatyag sa mga kumakalat at nababasang impormasyon online.
Abay, lubhang lumalaganap na naman ang fake news online at kung hindi magiging maingat, eh baka mahulog sa mga mapanlokong impormasyon.
Ang Department of Education (DepEd) nagpauna na sa publiko tungkol sa ipinaskil online, patungkol sa umano’y kanilang scholarship program na walang katotohanan.
Sa pekeng posts, nakasaad na ang DepEd ay may alok na scholarship ngayong taon at ang mga interesadong estudyante ay dapat na mag-aplay online gamit lamang ang kanilang school IDs.
Nakapaloob pa umano dito na sa DepEd scholarship, makakatanggap umano ng P5,000 ang mga elementary students, P7,000 ang mga high school students, habang tig-P10,000 naman ang makukuha ng nasa kolehiyo at vocational students.
Walang ganitong programa ang DepEd kung saan nga ang pekeng post ay may kalakip pang larawan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Hindi naman malinaw kung ano ang motibo ng ganitong mga misinformation at kung ano ang pakinabang ng mga gumagawa nito o baka naman nais lang talagang manggulo at makapanloko.
Hindi lang ang DepEd ang nag-isyu nang ganitong babala sa publiko, maging ang Department of Health (DOH) muling nagpaalala patungkol naman sa online fake endorsement ng commercial products.
Ginawa ng DOH ang babala matapos na madiskubreng may mga commercial products, na kinabibilangan ng gatas at iba pang supplements, na nagsasabing ineendorso sila ng departamento.
Ayon nga sa DOH, peke at misleading at hindi awtorisado ng ahensya at ng alinmang affiliate organizations nito ang naturang mga produkto.
Kaya talagang kailangang magsuring mabuti sa mga impormasyong nababasa online, laging tandaan sa social media ngayon nakapokus ang maraming kawatan na dapat ingatan.
Hindi lahat ng nababasa online ay dapat paniwalaan kundi dapat kumuha na lamang ng impormasyon sa mga lehitimong sources o platforms para di mabiktima ng mga manloloko o kawatan na grupo.
May mga interes ang mga iyan na mas dapat lalo nating ingatan.