NAGULAT ang mga staff ng isang public aquarium sa North Carolina, U.S.A. nang malaman na buntis ang stingray o pagi na kanilang inaalagaan kahit wala itong kasamang male partner sa aquarium nito!
Noong Setyembre 2023, inakala ng mga staff ng Aquarium and Shark Lab by Team ECCO na may cancer ang stingray nila na si Charlotte dahil tila namamaga ito.
Ngunit nang tiningnan ito ng kanilang resident marine veterinarian ngayong Pebrero, nagulantang ang lahat nang malaman na hindi cancer ang dahilan ng pamamaga nito kundi buntis pala ito sa apat na stingray pups.
Walong taon nang walang nakakasalamuha na lalaking stingray si Charlotte. Ang tanging kasama lang niya sa kanyang aquarium ay mga pating.
Ayon sa mga eksperto, ang pinakaposibleng paliwanag sa pangyayaring ito ay ang tinatawag na “Parthenogenesis”.
Ito ay isang uri ng asexual reproduction kung saan ang egg cell ng isang hayop ay nabubuo at nagiging indibidwal nang hindi nangangailangan ng sperm cell.
Ang kakaiba at pambihirang phenomenon na ito ay posibleng mangyari sa mga insekto, isda, amphibians, ibon, reptiles, ngunit hindi ito maaaring mangyari sa mammals.
Sa kasalukuyan, inaabangan na ang panganganak ni Charlotte upang pag-aralan ito ng mga eksperto.