ISANG misis sa Ankara, Turkey ang nagsampa ng demanda laban sa kanyang mister dahil bihira itong maligo at magsipilyo ng ngipin!
Ayon sa mga report ng Turkish news media, naghain ng divorce ang isang babaing itinago sa pangalang A.Y. dahil sa pagiging marumi sa katawan ng kanyang mister. Ayon sa lawyer ng misis, bukod sa tamad maligo ang mister nito, bihira rin itong magpalit ng damit at magsipilyo ng ngipin!
Bilang patunay sa kakulangan nito sa hygiene, nagdala ng mga witness ang misis at ilan dito ay ang kanilang mga kapitbahay at mga katrabaho ng mister.
Mababasa sa court documents, isang beses sa isang linggo lang naliligo ang mister. Sa sinumpaang salaysay ng mga katrabaho ng mister, hindi nila kinakaya ang body odor at hininga ng mister kaya pumayag silang maging witness.
Inaprubahan ng korte ang divorce at pinagbabayad nila ang mister ng 500,000 Turkish lira (katumbas ng P922,000) bilang kabayaran sa misis na matagal na nagtiis sa pagiging marumi ng kanyang mister.