Dapat na puspusang kumilos ang mga awtoridad at mga kinauukulan para malabanan ang mga mapangahas na hackers na ang tinatarget eh mga tanggapan ng pamahalaan.
Lubha itong nakakabahala, dahil parang ang dali-dali mapasok ng mga hackers ang mga website ng gobyerno.
Ang pinakahuli nga rito, na sinasabing agad namang napigilan ng Department of Information and Communication and Technology (DICT) ay ang pag-hack sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Labis nang nababahala maging ang ilang mga senador patungkol dito, na bagamat napigilan ay masasabing ipinapakita nito na nagiging mapangahas ang mga cyber attacks.
Na-trace na rin na ang tangkang pag-hack sa website ng OWWA ay nagmula sa China.
Ayon nga kay Senator Grace Poe, nakakagalit ang ganitong mga pagtatangka at maging babala o leksyion ito sa iba pang ahensiya na mas paigtingin ang website firewall at sistema nang hindi kay dali-daling makuha.
Sa panig naman ni Sen. Sherwin Gatchalian marapat lamang na laging magbantay sa ganitong cyber attacks hindi lang ang mula sa China kundi maging sa iba pang bansa o lugar.
Mukhang may matinding pangangailangan para sa paglikha o pagprayoridad sa mga batas para malabanan ang ganitong mga banta.
Ayon sa DICT kabilang dito ang Critical Information Infrastructure Protection Bill, Cybersecurity Bill at ang bill sa foreign interference.
Hindi nga ba’t noong nakalipas na taon lamang sunud-sunod na na-hack ang ilang ahensya ng gobyerno.
Ilan sa mga ito ang PhilHealth, maging ang PNP, DOST at Philippine Statistics Authority (PSA).
Kung ganyan , dapat talaga na may matindi nang hakbang dito ang mga kinauukulan para ito malabanan. Kung kailangan laanan ng pondo o gastusan ay gawin ng maaga.
Dapat may pangontrang panlaban sa mga hacker na ito nang hindi malagay sa panganib ang seguridad at mga impormasyon sa mga tanggapan ng gobyerno.