AYON sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hindi kailangan ng isang traffc czar para tugunan ang malalang problema sa trapik, partikular sa Kalakhang Maynila.
Reaksyon ito ng MMDA, sa suhestiyon ng Management Association of the Philippines (MAP) na dapat na marahil magtalaga ng traffic czar na siyang tututok para masolusyunan ang matinding trapik.
Ayon sa MMDA, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na sila ng mga pag-aaral para tugunan ang naturang problema.
Sinabi pa ni MMDA General Manager Procopio Lipana na agresibo naman ang gobyerno sa pagsasagawa ng road network para masolusyunan ang krisis sa trapiko.
Nakakabahala naman kasi ang inilabas na ulat ng TomTom Traffic Index na ang MM ang may pinaka-malalang trapik sa buong mundo nitong nakalipas na 2023.
Matagal nang problema ang trapik sa Kalakhang Maynila, kahit noon pa mang mga nakalipas na administrasyon at kahit pa man nagkaroon na noon ng traffic czar.
Hindi talaga ito nasolusyunan na ang pangunahing paliwanag umano dito ay ang matinding kakulangan sa imprastratura o pagpapaluwag o dagdag na mga kalsada.
Ibig sabihin sa paglipas ng mga taon patuloy na nadadagdagan ang mga sasakyan, pero hindi ang daanan.
Kaya nga ano pa nga naman ang asahan, kasabay nang pagdami ng transportasyon siya namang paglalala at pagsisikip ng mga lansangan.
Pero ngayong masigasig ang programa ng pamahalaan sa mass transport baka sakaling kapag nagsimula nang mag-operate ang mga ito, eh mapilitang mag-commute na lang ang marami at hindi na magdala ng kani-kanilang sasakyan.
Kapag nangyari ito, ginhawang malaki ito sa mga commuters, hindi lang trapik ang pwedeng mabawasan o masolusyunan , pati mga nagaganap na road rage o engkuwentro sa daan, posible ding mabawasan.
Mataas din ang mga naitatalang kaso ng road rage, na sinasabing dahil sa marami ang umiinit ang ulo dahil sa matinding trapik.