BINALAHURA ng mag-amang Digong at Baste Duterte si Pres. Bongbong Marcos. Tinawag si BBM na drug addict at tamad at hiniling na mag-resign.
Sa ginawang ito ng mag-ama, inilagay nila sa alanganing kalagayan si VP Sara bilang DepEd Secretary. Marupok na ang bagting, ‘di ba?
Magiging bandido si BBM sa mata ng tao at si Sara naman ang magiging martir kapag sinibak ito sa puwesto. Ang tanong ngayon ay kung masisikmura naman daw kaya ni Sara na makihalubilo sa mga “real trusted” Cabinet members and alter ego ni BBM tuwing may meetings?
Malusog na makinarya ng pulitika ang DepEd dahil may direktang ugnayan ito sa mag-aaral, magulang at mga guro na may partisipasyon kung eleksyon. Malaking kompromiso ang ginawa ng mag-amang Digong at Baste para kay Sara.
Mag-resign kaya si Sara?
Biglang sumikip ang daigdig ni Sara at nagbunyi naman ang mga nananahimik at lumabnaw na oposisyon dahil hindi na sila kumilos para sa “Operation Divide and Rule”. Nagpakamatay kasi ng kusa ang UniTeam!
Kung ang 31 million votes ng UniTeam ay mahahati, halos “tripple tie” na sila ng “pinklawans” na nakakuha ng 15,035,773 votes noong 2022 election. Exciting na 2028 Presidential election ang matutunghayan natin. Ayos ‘yan!