Panunuhol, puwede bang balewalain?

MALIIT lamang bang kasalanan ang panunuhol na puwede na itong balewalain?  Ito ang tanong na naglaro sa aking isipan matapos pawalang-sala si Senador Jinggoy Estrada sa kasong pandarambong o plunder, ngunit nahatulan sa kasong panunuhol o bribery.

Sa desisyon ng Sandiganbayan, pinawalang-sala si Estrada sa kasong pandarambong kaugnay ng bilyung-bilyong pork barrel scam, ngunit hinatulan sa isang kaso ng direktang panunuhol na may sentensiyang walo hanggang siyam na taong pagkabilanggo at dalawang kaso ng hindi direktang panunuhol na may parusa namang dalawa hanggang tatlong taong pagkabilanggo. Sinuspinde si Estrada sa paghawak ng katungkulan sa gobyerno at pinatawan din ng pansamantalang diskuwalipikasyon na makaboto. Pinagbabayad siya ng multang P3 milyon.

Tila balewala kay Estrada ang hatol dahil nakangiti pa siyang humarap sa mga mamamahayag. Ayon sa kanyang mga abogado, hindi pa naman pinal ang hatol, sapagkat maaari pa itong iapela. Sinabi naman ni Senate President Migs Zubiri na ipagpapatuloy pa rin ni Estrada ang kanyang tungkulin bilang senador habang hinihintay ang resulta ng apela. Sa bagal ng desisyon ng mga kaso rito sa atin, maaaring tapos na ang termino ni Estrada ay wala pa ring pinal na desisyon.  Maaaring mahalal na muli siya bilang senador.

Nakalulungkot ang pagbaba ng ating pamantayan sa moralidad. Parang balewala na sa atin kahit nasangkot sa pagsisinungaling, panunuhol, katiwalian, pangangaliwa at iba pang isyung pangmoralidad ang ating mga lider. Noong araw, napakataas ng inaasahan natin sa isang ­iginagalang na senador ng Republika. Bukod sa matalino, kailangang may malinis siyang buhay at hindi nasangkot sa anumang uri ng katiwalian at kasamaan. 

Bawat lipunan ay may tinatawag na moral fabric o moral fiber.  Ito ang sama-samang pamantayan o sukatan ng magagandang katangian na pinaniniwalaan, pinahahalagahan at iginagalang ng mga tao sa isang lipunan. Ito ang nagdidikta kung ano ang tama at mali; kung ano ang katanggap-tanggap at hindi. Katulad ng tela o hibla, ang moralidad sa isang lipunan ay napupunit o nalalagot kapag ang mga paglabag sa mga dating pinaniniwalaan at pinahahalagahan ay binabalewala na o hindi na pinapansin.

Isa tayong bansang Kristiyano kung kaya’t ang basehan ng ating moralidad ay ang mga aral at halimbawa ni Hesus na nagsabing Siya’y naparito hindi para pawalang-bisa ang Kautusan, kundi para mahigpit na ipatupad ito. Ang Sampung Utos ay halimbawa ng Kautusang moral. Dalawa sa utos ay nagsasabi, “Huwag kang magnanakaw” at “Huwag kang magsisinungaling.” Tila napunit na nga at nalagot ang ating moralidad, sapagkat kahit magnanakaw at sinungaling ay nananalo sa eleksiyon.

Kay Hesus, naisip mo pa lamang ang isang masama ay nagkasala ka na. Halimbawa, para sa Kanya, kapag tumingin ka nang may pagnanasa sa isang babae ay nagkasala ka na ng pakikiapid. Batid ni Hesus na nagsisimulang isilang ang kasamaan sa isip, kung kaya’t doon pa lamang sa pag-iisip ay kailangan na itong patayin upang hindi na isilang.

Hindi lamang ekonomiya ang dapat nating patatagin kung nais nating magtayo ng isang matatag na lipunan. Kailangan ding patibayin ang moralidad ng ating lipunan. Tungo sa layuning ito, napakahalagang lingunin natin ang mga dating bagay na mahigpit nating pinahahalagahan na katulad ng katapatan. Sabi nga ni Balagtas, ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.

 

Show comments