Na-stranded ang mga sakay ng isa sa pinakamataas na rollercoaster sa mundo dahil may naipit na scarf sa gulong nito!
Ang DC Rivals Hypercoaster ride ng Movie World Theme Park sa Gold Coast, Australia ang tinaguriang “the tallest, longest and fastest rollercoaster in the Southern Hemisphere”. Ito ay may taas na 200 feet at may bilis ito na 115 kilometers per hour. Kaya nagulantang ang mga nakasakay dito at iba pang bisita ng naturang theme park nang bigla itong tumigil habang nasa kalagitnaan ng pag-andar.
Naganap ang insidente noong Biyernes (Enero 5) ng umaga. Mapapanood sa video na nakunan ng isa sa mga theme park visitor na tumigil ang rollercoaster habang nasa bahaging tinatawag na “lift hill” ang bagon na naglalaman ng 24 na katao. Upang ligtas na maibaba ang mga na-stranded, inalalayan sila isa-isa at pinababa sila sa hagdan ng rollercoaster habang nakasuot ng harness.
Sa statement na nilabas ng Movie World sa kanilang official Instagram account, walang nasaktan sa mga sakay ng DC Rivals Hypercoaster. Ang pinagmulan ng insidente ay scarf ng isa sa mga pasahero. Nilipad ang scarf at naipit ito sa gulong ng bagon.
Humingi ng pasensiya ang Movie World at pinangakong sisiguraduhin nilang hindi na ito mauulit.