Manang Rose (255)
“Mabuti naman. Ikaw, kumusta?’’ tanong ni Rose kay Rene na himig nahihiya.
“Mabuti rin.’’
“Ang yaman mo na siguro—may farm ka at mayroon pang resort.’’
“Dahil sa pagtitiyaga at pagsisikap. Ginawa ko ang lahat nang makakaya para mabago ang buhay. Natuklasan ko, ang pagkakaroon ng kabuhayan ay dahil sa pagsisikap, pagtitiyaga at maayos na plano.’’
“Paano ka umasenso—I mean paano ka nagkaroon nito? Nagpatuloy ka sa pagtuturo?’’
“Hindi. Nag-abroad ako—sa Saudi. Maraming taon akong namalagi sa Saudi at sa awa ng Diyos ay nakaipon nang sapat at yun ang ibinili ko ng lupa na ginawang farm at resort. Ito nga ang bunga—sinuwerte naman dahil maraming nagtutungo rito lalo kung summer. Sa panahon ng pagbubunga ng lansones ay kumikita rin ako. Bukod sa lansones, mayroon din akong mangosteen, mangga, guava at marami pang prutas. Ang mangosteen ko ay pinapakyaw ng isang pharma company dahil ginagamit sa medicine.’’
“Mayaman ka na talaga.”
“Hindi naman—pero malapit na,’’
Nagtawanan sila.
“Palabiro ka pa rin, Rene.’’
“Hindi na nga gaano.’’
“E kumusta naman ang pamilya mo, Rene. Ilan ang anak mo? Siguro may apo ka na?’’
“Wala akong pamilya. Matandang binata ako.’’
Napamulagat si Manang Rose.
(Itutuloy)
- Latest