Dear Attorney,
Bawal po ba sa batas kung may isa pang trabaho ang isang regular employee? Nalaman kasi ng co-worker ko na nagtatrabaho ako bilang call center agent pagkatapos ng office hours. Work from home naman kaya nakakaya ko naman ang dalawang trabaho.—Gelly
Dear Gelly,
Wala namang batas na nagbabawal sa pagkakaroon ng higit sa isang mapagkukunan ng hanapbuhay, bukod na lang kung ikaw ay isang public official.
Magkakaroon nga lang ng isyu kung ang parehong employer mo ay magkakumpetensiya dahil puwedeng masabi na may conflict of interest at disloyalty na maaring pagbasehan ng pagkakatanggal sa trabaho.
Tingnan mo rin ang nilalaman ng iyong employment contract kung mayroon ba itong non-compete clause o probisyon na nagbabawal sa iyo na magkaroon ng ibang trabaho lalo na kung ito ay para sa isang employer na nasa kaparehong negosyo o industriya ng iyong kasalukuyang pinapasukan.
Kung hindi naman angkop sa sitwasyon mo ang mga nabanggit ko at wala namang pagbabawal sa iyo ang iyong kontrata, wala akong nakikitang problema kung ikaw ay may isa pang hanapbuhay, basta’t ginagawa mo ito sa iyong sariling oras, at hindi ito nakaaapekto sa performance mo sa iyong kasalakuyang trabaho.