Sandosenang pandesal

ISANG umaga, isang matandang babae na nakabalabal ng kulay green ang first costumer ni Mang Nante sa kanyang bakery. Noong panahong iyon ay piso lang ang isang pandesal. Lahat ng kostumer sa bakery ay kakilala ni Mang Nante maliban sa kostumer niya nang umagang iyon. Wala pang namimili ng pandesal dahil alas-singko pa lang ng umaga. Kaya walang mausisa si Mang Nante kung saan nakatira ang matanda.

“Isang dosenang pandesal,” order ng matanda.

Isinilid ni Nante ang 12 pirasong pandesal sa supot at iniabot sa matanda.

“Twelve pesos po lahat, piso ang isa,” pasimpleng paliwanag ni Nante dahil first time lang bumili ang matanda sa kanyang bakery.

Binuklat ng matanda ang supot at binilang ang laman. “Umorder ako ng isang dosena pero labindalawang piraso lang ang ibinigay mo sa akin?”

“Ang isang dosena ay 12 piraso. Kaya tama lang ang bigay ko sa iyo.”

“Ang inorder ko ay isang dosena hindi labindalawang piraso!”

“Ano ang gusto mong mangyari?”

“Labintatlong piraso ang ibigay mo sa akin!”

“Oy, Aleng matanda, mabuti pa ay umalis ka na lang. Sa ibang bakery ka bumili. Binubuwisit mo lang ang negosyo ko.”

Nagkatotoo ang sinabi ni Nante, nabuwisit ang kanyang negosyo. Maghapong kakaunti ang benta niya. Maraming pandesal ang natira. Ang kanyang tatlong tagalako ng pandesal sa pamamagitan ng bisikleta ay nagkasabay-sabay na nag-absent.

Bago magtanghalian ay nagluluto siya ng siopao at doughnut para ibenta naman sa oras ng miryenda sa hapon. Pati ba naman ang tinimpla niyang dough ay nahawahan na rin ng malas? Ayaw nitong umalsa. Nagtimpla ulit siya ng panibago pero ayaw talagang umaalsa. Hindi na lang siya nagluto ng kahit ano at nagsara ng bakery nang maaga. Binilang niya ang kanyang benta, isanlibong piso lang!

Malaking problema kay Nante kapag wala pang P2,000 ang kinita ng bakery sa buong maghapon. Malaki ang renta niya sa kanyang puwesto kaya P3,000 pataas ang dapat niyang kitain araw-araw. Mangkukulam kaya ang matandang nakasagutan niya kaya siya minalas?

Dumaan ang isang linggo na laging maliit ang kanyang benta  sa maghapon kahit pa pumasok na ang kanyang tagalako ng pandesal.

Isang umaga, muli na namang bumili ng pandesal ang matandang babaeng may berdeng balabal. Isang dosena na naman ang inorder. “Kalma ka lang Nante, be nice to your costumer,” bulong nito sa sarili. Labintatlong pandesal ang ipinasok niya sa supot. Nakita niyang binilang ng matanda ang laman ng supot. Napangiti ito.

“Salamat, susuwertehin ka na simula ngayon at yayaman! Yan ang napapala ng mapagbigay.” sabay abot ng bayad at saka masayang umalis ang matanda. Simula noon, naipangako niya sa sarili na magdadagdag siya ng isang pirasong pandesal sa bawat isang dosenang bibilhin.

Hindi na muling nagpakita ang matandang babae sa kanya. Limang taon ang lumipas, may lima nang branches ang bakery ni Nante. Nagdilang anghel ang matanda. Umasenso ang negosyo niya mula nang gawin niyang 13 ang bawat isang dosenang pandesal na bibilhin sa kanya.

Show comments