MAGMAMAHAL na naman daw ang sibuyas. Marami ang nangangamba na maulit ang nangyari noong nakaraang taon na umabot sa P700 bawat kilo ng sibuyas. Iyon ang unang pagkakataon na naranasan sa bansa. Ayon sa mga magsasakang nagtatanim ng sibuyas, hindi naman dapat lumobo ng ganun ang presyo sapagkat wala namang kakapusan sa sibuyas sa bansa. Ayon pa sa mga magsasaka sagana sa sibuyas ang bansa at ang kailangan lamang ay mga refrigerated na bodega na pag-iimbakan para hindi mabulok.
Hinala ng mga lokal na magtatanim ng sibuyas, dahil sa smugglers ng sibuyas kaya tumaas ang presyo nito. Dumadagsa ang puslit na sibuyas mula sa China at saka iho-hoard ng mga ganid na negosyante. Kapag wala nang sibuyas sa palengke saka ilalabas ng mga tusong negosyante ang inimbak nila na mas mataas ang presyo. Walang magawa ang mamamayan kundi bumili ng gintong sibuyas.
Wala namang lakas para mapigilan ang smugglers ng sibuyas at iba pang agri products. Patuloy ang pagdagsa ng mga smuggled na bigas, sibuyas, carrots at maski karne na kadalasang galing sa China. Nakapagtataka naman kung paano nakalulusot sa Bureau of Customs (BOC) ang smuggled agri products.
Nagkaroon na ng pagdinig sa Senado noon ukol sa talamak na smuggling ng agri products at may mga pinangalanan na. Kabilang sa mga nabanggit ng Senado noon ay sina Manuel Tan na nag-ooperate sa Subic, Cagayan de Oro, at Batangas; Andrew Chang na nag-ooperate sa Subic, Port of Manila, Batangas at Manila International Container Port; Jun Diamante na nag-i-smuggled ng isda at si Luz o Leah Cruz na binansagang “Sibuyas Queen”.
Nasaan na ang mga personalidad na tinukoy ng Senado? Wala nang balita sa kanila. Noong Hulyo, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. hahabulin ang smugglers at hoarders. Hindi umano makakalusot ang mga nagpapahirap sa bayan at mamamayan. Hanggang ngayon, wala pang nakakasuhan.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Office of Ombudsman, si Department of Agriculture (DA) Asec. Kristine Evangelista na sampahan ng kaso dahil sa maanomalyang pagbili ng mga sibuyas. Ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagsasampa ng graft at falsification of documents kay Food Terminal Inc. (FTI) Vice President John Gabriel Trinidad, at 16 na iba pa. Sabi naman ni Evangelista walang katotohanan ang inaakusa sa kanya.
Kung mabilis ang aksiyon ng Ombudsman sa mga taong gobyerno kaugnay sa maling gawain, dapat bilisan din ang pagsasampa ng kaso sa mga tinukoy na smugglers/hoarders ng agri products kasama ang sibuyas. Economic sabotage ang ginagawa nila. Dapat silang maparusahan. Bulukin sila sa piitan.