Eto na ang pinakahihintay na araw nang paghahalal ng mga manunungkulan sa barangay at sa Sangguniang Kabataan.
Ilang taon ding naudlot ang ganitong halalan, kaya tumagal ang panunungkulan ng mga incumbent officials.
Sa mga boboto sa araw na ito, sana ay sikapin na mas maagang makapunta sa mga presinto at wag nang sumangkot sa mga diskuyon o pagtatalo sa mga voting precinct para mapanatili ang kaayusan at kapayaan.
Kadalasan kasi na ang bumabangong maliit na problema, lumalaki dahil sa pakikisangkot ng ilang miron na pinagsisimulan ng mas malalang kaguluhan.
Eh kung umuuwi na ang mga ito pagkatapos bumoto, naiiwasan ang paglala ng gulo.
Makabubuting maging mapagmasid at alerto rin ang botante dahil marami pa rin ang magsasamantala dyan.
Mabantayan din naman sana ng mga mangangasiwa sa halalan ang sangkaterbang watchers ng mga kandidato.
Kadalasang hindi nasusunod ang tamang bilang ng watchers ng mga kandidato.
Ayon nga kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na kapag lumagpas sa bilang indikasyon na yan ng vote buying at vote selling.
Bagamat may karapatan ang mga poll watchers na saksihan ang isasagawang bilangan ng Board of Electoral Inspectors, mag-obserba sa mga dokumento at paghahain ng protesta kung may mga paglabag, hindi naman siguro tama na habang nagsusulat sa balota ang mga botante ay nakasilip ang mga mata ng mga ito.
Dapat alam nila kung saan sila lulugar, dahil sa tingin pa lang mistulang nahaharas na ang mga boboto sakaling hindi ang kanilang amo ang ibinoto.
Aantabay tayo sa kabuuang magiging kaganapan ng halalan at iisa ang ating hangad ang mairaos itong payapa at may kaayusan.