Bulong  

LOS Angeles, California. Year 2010. Muntik nang mahulog sa kanyang kama si Didith. Napanaginipan niyang may humihihip at bumubulong sa kanyang taynga ng “Gising!”.  Parang totoo! Tumingin siya sa alarm clock na katabi niya, 2:00 a.m.

Muli siyang namaluktot upang ituloy ang naantalang pagtulog. Nakapikit lang siya ngunit hindi pa nakakatulog nang may maramdaman siyang may humihinga malapit sa kanyang taynga. May ibinubulong ito na hindi niya maintindihan. Nadama niya ang mainit na singaw ng hininga. ‘Yun bang pakiramdam kapag may bumubulong sa iyo. Pero paano magkakaganoon? Nag-iisa lang siya sa kuwarto. Kinurot niya ang sarili upang makatiyak na gising siya. Aba, masakit. Gising siya kung ganoon. Totoong may humihinga at bumubulong sa kanyang taynga.

Bigla siyang lumundag sa kanyang kama at walang lingun-lingon na tumakbo patungo sa kuwarto ng kanyang ina. Ang kanyang ina ay hindi nagla-lock ng pintuan ng bedroom at laging may nakabukas na lamp shade tuwing gabi simula nang magkaroon ng alta presyon at sakit sa puso. Sumiksik siya sa tabi ng natutulog na ina. Pero hindi pa lumalapat ang  kanyang likod sa kama nang maramdaman niyang gising pala ang kanyang ina. Gumalaw ang kamay nito at niyugyog siya.

“Mommy, bakit?”

Umungol lang ang kanyang ina. Nagmulat ito ng mata at isinesenyas na masakit ang kanyang dibdib.

“Mommy magsalita ka…”

“Hin…di ako ma…ka…hinga”, hinahabol ang paghinga habang nanatiling nakahawak sa kanyang dibdib.

Hinagip kaagad ni Didith ang cell phone na laging nasa tabi ng ina at tumawag kaagad sa 911. Mga 5 minuto ang lumipas at dumating ang mga rescuers ng 911.

Atake sa puso ang nangyari sa kanyang ina. Kung hindi kaagad  ito nabigyan ng paunang lunas ng 911 bago isinugod sa ospital, malamang na namatay ito. Biglang naalaala ni Didith na mahilig mang-ihip ng tenga ang kanyang namayapang ama. Ito ang umihip ng kanyang tenga upang malaman niya na inaatake na pala ang kanyang ina. Mag-ina lang silang naninirahan sa kanilang bahay dahil may sariling pamilya na ang lahat ng kanyang mga kapatid.

Show comments