ILANG araw na lamang ang natitira sa kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating nang Lunes, Okt. 30.
May pangamba ang mga kinauukulan na baka lumobo o tumaas pa ang nagaganap na karahasan.
Dahil nga rito, pinatututukan ng Commission on Elections (Comelec) sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang madalas pagsimulan ng karahasan na yan ay ang kalat na loose firearms at private armies ng mga kandidato.
Halos nagkakasunud-sunod naman ang naitatalang election related violence kaugnay sa gaganaping BSKE.
Marami ang naitatala sa mga lalawigan kabilang dito ang pangyayaring naganap sa Masbate City, Pangasinan at Cotabato City. Bagama’t aminado ang Comelec na sapat ang ikinakasang police checkpoints ng PNP at AFP, gayunman, kailangan pa ring mahabol ang mga taong may mga iligal na armas lalo ang mga private armed groups.
Dahil nga sa mga sunud-sunod na pangyayari, posibleng bago sumapit ang aktuwal na halalan ay tumaas ang bilang ng mga lugar na ipapasailalim sa red category ng Comelec.
Hindi lang ang loose firearms ang dapat na matutukan.
Ayon naman sa DILG, kailangan din mabantayan ang vote buying o pagbebenta ng boto na ang bayaran ay sa pamamagitan ng e-payment platforms.
Binanggit nga ni DILG, Secretary Benhur Abalos na nakikipag-ugnayan na sila sa mga e-payment platforms upang ma-monitor ang anumang kaduda-dudang aktibidad na may kinalaman sa vote buying at nang masuspinde agad ang kanilang accounts.
May mga ulat na umanong nakatanggap ang DILG sa ganitong gawi ng ilang kandidato, na ito nga ang kanilang tinututukan sa kasalukuyan.
Talagang kada may halalan, may umuusbong na iba’t ibang pamamaraan kung paano makakaisa sa kanilang mga kalaban at paglabag sa mga panuntunan.
Pero ayon sa Comelec at mga awtoridad, hindi sila tatantanan.