Maari pa bang magsampa ng kaso ang natanggal na empleyado?
Dear Attorney,
Gusto ko lang pong itanong kung may habol pa ba ako sa kompanyang nagtanggal sa akin noon pang 1998?—Neil
Dear Neil,
Ipagpapalagay ko na lang na ang paghahabol na tinutukoy mo ay ukol sa pagiging empleyado mo ng kompanya, partikular na sa pagkakatanggal mo sa trabaho.
Kung ikaw ay naghahabol dahil sa tingin mo ay ikaw ay illegally dismissed o tinanggal sa trabaho ng hindi naaayon sa batas, mayroon ka lamang apat na taon para magsampa ng kaso.
Ayon sa Supreme Court decision (G.R. No. 175689, 13 August 2014), apat na taon ang prescriptive period o ang panahong ibinibigay ng batas para sa mga gustong magsampa ng mga reklamo ukol sa illegal dismissal.
Kasama na sa panahong ito ang paniningil ng mga halagang dapat na matanggap ng empleyado kaugnay sa illegal na pagkakatanggal sa kanya.
Kung ang kaso naman ay tungkol sa money claims lamang o paghahabol sa mga halagang hindi natanggap ng empleyado pero dapat ay ibinigay ng kompanya, mayroon lamang tatlong taon ang empleyado para makapagsampa ng kaso laban sa employer.
Base sa nabanggit, malabo na ikaw ay manaig kung ikaw ay magsasampa pa ng kaso laban sa dati mong kompanya.
Malaki ang tsansang ibasura lang kaagad ang reklamo mo sa kadahilanang lampas na sa prescriptive period ang pagsasampa mo ng kaso.
- Latest