2 construction workers, inaresto matapos wasakin ang bahagi ng Great Wall of China!

DALAWANG Chinese construction workers sa Shanxi pro­vince ang inaresto matapos nilang wasakin ang isang bahagi ng Great Wall of China para makagawa ng “shortcut”!

Ang Great Wall of China ay ginawa 2,242 years ago at isa ito sa mga protektadong world heritage site ng UNESCO. Pero hindi ito sapat na dahilan para sa dalawang construction workers­ at pinili pa rin nilang wasakin ang isang bahagi nito para sa sarili nilang kapakanan.

Ayon sa report ng mga pulis, ang dalawang suspek, isang 38-anyos na lalaki at 55-anyos na babae, ay nagsawa na sa pag­biyahe nang malayo para makatawid sa kabilang bahagi ng Great Wall kaya winasak nila ito gamit ang isang excavator para makagawa ng shortcut.

Sa panayam sa mga awtoridad, ang bahagi ng Great Wall na winasak ng mga suspek ay nasa Shanxi province at malayo ito sa Beijing kung nasaan ang mga restored sections na madalas­ makita sa mga litrato. Ngunit kahit hindi ito ang bahagi ng Great Wall na binibisita ng mga turista, protektado pa rin ito bilang isang UNESCO World Heritage site at paglabag pa rin sa batas ang pagsira rito.

Sa kasalukuyan, napag-alaman mula sa pagsusuri ng mga eksperto na “irreparable” o hindi na maaaring ayusin ang nasirang bahagi ng Great Wall. Dahil dito, nahaharap sa ilang taon na pagkakakulong ang dalawang suspek.

Show comments