TULUYAN na ngang umarangkada ang election period kaugnay sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30.
Lunes din nang magsimulang buksan ng Commission on Election (Comelec) ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa mga tatakbong kandidato sa halalan.
Bagama’t sa ilang lugar na talaga namang dinagsa ng mga naghain ng kanilang COC, eh naging maayos, meron din naman na masasabing nagkaroon ng ilang kaguluhan. Kaya nga ang hikayat ng Comelec sa mga kandidato, iwasan nang magdala nang maraming mga supporters sa paghahain ng COC.
Pero eto ang mas masaklap, dahil filing pa lang, ramdam na agad na magiging mainit ang halalan kasi nga meron na agad nagbuwis ng buhay.
Dalawa na agad na kandidato ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa magkahiwalay na lugar sa paghahain pa lang ng COC.
Sa Midsayap sa Cotabato, nasawi makaraang pagbabarilin si Haron Dimalanes na kakandidato sana sa pagka-chairman sa isang barangay sa naturang bayan.
Hindi na ito umabot pang buhay sa pagamutan dahil sa tama ng baril sa ulo.
Magpa-file pa lang sana ito ng COC nang maganap ang insidente.
Lunes naman sa unang araw ng filing ng COC, pinagbabaril din hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman matapos na maghain ng kanyang kandidatura sa Libon, Albay.
Namatay noon din ang biktimang si Alex Enriquez Repato, 51 at residente ng Brgy. San Jose, Libon Albay. Nabatid na papauwi na ang biktima mula sa kanyang paghahain ng kandidatura sa COMELEC sa Centro Poblacion nang pagbabarilin ng armadong suspect.
Kailangan marahil ang todo-bantay ng kapulisan sa ganitong mga insidente kung saan nga pinaniniwalaang mas magiging matindi ang karahasan na naitatala sa barangay election.
Lalo pa nga ang ilang taon na ang itinagal nito bago muli maisasagawa.
Ayon nga sa Comelec, tinatayang matindi ang karahasan dito dahil sa ang mga magkakaban ay kadalasang magkakamag-anak o magkakakilala sa maliit na mga lugar.
Sana nga eh wag nang madagdagan pa ang casualties dahil sa halalan, na yan ang dapat tutukan ng PNP.