EDITORYAL - Sagabal sa classroom?
“TIYAKING malinis at walang mga dekorasyon, tarpaulin o mga posters ang mga silid-aralan upang magkaroon ng focus ang ating mga mag-aaral sa kanilang mga leksyon, mula sa ating mga guro,” yan ang sinabi ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte noong nakaraang linggo. Kasunod yan nang ipinalabas niyang DepEd Order No. 21 na tanggalin ang mga nakadikit sa dingding ng classroom. Nakasaad din sa kautusan na walang nakasulat na alpabeto o abakada, walang picture ng mga presidente o mga bayani. Kahapon, ipinag-utos din na dapat ay hindi sectarian ang public schools kaya ipinagbabawal na rin ang paglalagay ng mga imahen.
Maging ang pagkakaroon ng teacher’s cabinet sa mga silid ay mahigpit ding ipinagbabawal. Tanging teacher’s table na lamang ang makikita sa bawat classroom para maging mas malinis, maluwag at maaliwalas ang bawat silid.
Sa idinaos na Brigada Eskwela ng Vicente Duterte Elementary School sa Bansalan, Davao del Sur noong nakaraang linggo na dinaluhan ni Sara, siya mismo ang nagtanggal ng sarili niyang larawan sa isang classroom bilang bahagi ng kanyang direktiba. Sabi pa niya, kung ang mga guro ay kailangan ng visual aids, maaari nila itong gawin sa oras ng kanilang klase.
Maganda naman talaga kung malinis at maaliwalas ang silid-aralan. Pero hindi naman lahat nang nakadikit sa loob ng classroom ay nakakahadlang o nakaaagaw ng pansin sa mga mag-aaral. Halimbawa ay kung mga makabuluhang quotations o kasabihan ang nakapaskel sa classroom na maaring makadagdag sa kaalaman ng mga mag-aaral. Noon pa, karaniwan nang makikita sa silid-aralan ay mga kasabihan o kaisipan na sinabi ng mga bayani gaya ng “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda.” Wala namang masama kung panatilihin ang mga ganitong salawikain o kasabihan sapagkat may ipinaaalala ito sa mga estudyante.
Pabor kami kung ang aalisin sa loob ng classroom ay ang mga retrato ng Presidente o Bise Presidente at iba pang pulitiko. Kaya tama ang ginawa ni Sara na pag-aalis sa kanyang larawan sa isang classroom sa Davao del Sur.
Hindi naman sana sinama sa direktiba ang pagtanggal sa ABAKADA at English alphabet at mga salawikain o kasabihan. Sana naisip ito ng Bise Presidente. Hindi lahat ng dekorasyon ay basurang maituturing.
- Latest