PANANDALIANG ipinasara ang isang supermarket sa Austria matapos may nakawalang gagamba roon na kayang magbigay ng ilang oras na paninigas ng ari!
Isang makamandag na gagamba ang naging sanhi ng takot at pagkataranta ng mga customer at staff ng Penny Market sa bayan ng Krems an der Donau matapos itong matagpuan sa isang kahon ng mga saging.
Ayon sa branch manager, binubuksan niya ang mga kahon ng saging para ilagay na ang mga ito sa mga shelves nang may makita siya sa loob nito na isang malaking gagamba. Kulay itim at pula ang gagamba at may laking 10 centimeters.
Agad siyang tumawag sa emergency hotline para humingi ng tulong. Dahil naghintay pa ng ilang minuto bago makarating ang fire department, nakagapang na palayo at nakapagtago na ang gagamba.
Ang buong akala ng mga rescuers ay isa lamang pangkaraniwang gagamba ang kanilang huhulihin pero nang malaman nila na isang Brazilian wandering spider ang nakawala, nagpasya sila na ipasara na ang buong supermarket.
Ang Brazilian wandering spider o kilala rin sa tawag na Banana spider ay gagamba na matatagpuan sa mga bansa sa South America tulad ng Brazil, Colombia, Venezuela, at Paraguay.
Ang isa sa side effect ng kagat nito ay masakit na paninigas ng ari na tumatagal ng 4 na oras. Dahil sa kakaibang dulot ng kagat nito, ginagamit ang mga naturang gagamba sa pagsasaliksik ng mga pharmaceutical companies na gumagawa ng gamot tulad ng Viagra. Bukod sa painful erection, nagdudulot din ang kagat nito ng pagtaas ng presyon, heart rate, panlalabo ng paningin at kombulsyon.
Sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang gagamba sa tatlong araw na pag-shutdown sa buong branch. Ngunit ipinangako ng management ng Penny Market na nagsagawa na sila ng comprehensive cleaning and disinfection at itinapon nila ang lahat ng mga fresh produce na maaaring nakontamina ng gagamba.