Babae, ginawang engagement ring ang perlas na nakuha sa inorder na kabibe sa restawran!

Isang babae sa Rhode Island, U.S. ang nakakuha ng perlas sa inorder niyang kabibe sa restaurant at ginawa niyang engagement ring!

Noong Disyembre 2021, kumakain ang magkasintahan na sina Sandy Sikorski at Ken Steinkamp sa The Bridge Restaurant and Raw Bar kasama ang kapatid ni Sikorski at misis nito. Umorder sila ng quahog clam at si Sikorski ang kumain ng huling piraso.

Nang isinubo na ni Sikorski ang laman ng kabibe, may nakapa siya sa kanyang dila na matigas. Agad niya itong iniluwa sa kanyang kamay at nakita na isa itong puti at bilog na bagay. Inakala ng kanyang mga kasama na nabungian siya ng ngipin. Isang jewelry enthusiast ang misis ng kanyang kapatid at napagtanto nito na isa itong 9.8 millimeter pearl.

Dinala nila ang perlas sa Black Orchid Jewelers at nakumpirma nila na isa itong Mercenaria pearl. Nagkaroon ng kasunduan sina Sikorski at Steinkamp na kapag nagpa­kasal sila ay gagamitin nila ito bilang engagement ring.

Pagsapit ng Hulyo 8, nagkatotoo ang kasunduan ng magkasintahan at na-engaged na sila gamit ang singsing na may perlas. Sa pagdiriwang ng kanilang engagement, ginanap ito sa restaurant kung saan nila nakuha ang perlas.

Sa Facebook page ng The Bridge Restaurant and Raw Bar, ipinakita nila ang litrato ng engagement ring nina Sikorski at Steinkamp. Kalakip ng litrato ay ang congratulatory message nila sa dalawa.

Show comments