Babae, nakatanggap ng daan-daang online deliveries ng mga kagamitan na hindi niya inorder!

ISANG babae sa Virginia, USA ang nakatanggap ng mahigit 100 packages mula sa isang shopping website na hindi naman siya ang umorder!

Ayon kay Cindy Smith, nagsunud-sunod ang pagda­ting ng mga misteryosong online deliveries sa kanyang tahanan mula sa Amazon nitong nakaraang linggo. Mga bagay na hindi naman niya inorder ang nilalaman nito tulad ng headlamps, glue gun at binoculars.

Walang tigil ang pagda­ting ng deliveries hanggang sa makaipon siya ng 1,000 headlamps, 800 glue gun at isang dosenang binoculars.

Naka-address ang mga delivery boxes sa kanyang tahanan sa Prince William County ngunit nakapangalan ito sa isang ‘Lixiao Zhang’. Ayon kay Smith, ngayon lang niya narinig ang pangalang ito.

Idinulog ni Smith ang tungkol dito sa Amazon at napag-alaman na ang mga items na natanggap niya ay nagmula sa isang warehouse ng Amazon sa California. Nalaman din niya na ang seller nito ay nasa China.

Ayon sa Amazon, ang seller na nasa China ay nagdesisyon na itigil na ang kanyang business ngunit ayaw na nitong gumastos para ibalik sa kanyang bansa ang mga hindi nabentang paninda. Pero imbis na itapon ang mga ito, ipinadala na lang ito sa kung kani-kanino.

Nang malinawan si Smith sa totoong dahilan, nagpasya siya na ipamigay ang mga kagamitan na natanggap niya. Nagmamaneho siya paikut-ikot sa kanyang neighborhood at nag-aalok sa kung sinong gustong kumuha nito nang libre.

Show comments