CANADA, 1940. Napansin ni Raoul Derosiers, isang negosyante, na dumadalas ang pananakit ng kanyang tagiliran sa bandang ilalim ng lower ribs. Para bang sinasaksak ito ng matulis na bagay. Noong una, hindi niya pinapansin dahil segundo lang ang itinatagal ng pananakit.
Pero nang ang pananakit ay naging 10 hanggang 15 minuto na ang itinatagal, kumunsulta na siya sa doktor. Pagkaraan ng iba’t ibang laboratory test at x-ray, sinabi ng doktor na wala siyang makitang problema at pinayuhan na lang siya na magbakasyon at maaaring kulang siya sa pahinga.
Minsan, dumalaw siya sa pinsang naninirahan sa bukid ng Quebec. Napag-alaman nito na mahirap ang tubig sa lugar kaya plano nitong itigil na ang pag-aalaga ng mga baka. Bukod sa pagtatanim ng mga gulay, ang malaking pinagkakakitaan ng mga magsasaka roon ay ang pag-aalaga ng baka.
Habang naglalakad ang magpinsan ay naramdaman ni Raoul na muling sumakit ang kanyang tagiliran. Ganoon na naman, para itong sinasaksak ng matulis na bagay. Ngunit may kaiba siyang naranasan nang sandaling iyon, nagkaroon siya ng pangitain na may bukal ng tubig sa ilalim ng lupang kinatatayuan niya. Sinabi niya ang sukat nang dapat hukayin para matagpuan ang bukal.
Nang oras ding iyon, tinawagan ng kanyang pinsan ang mga kapitbahay at pinagtulungan nilang hukayin ang lugar na kinaroroonan ng bukal. Anong gulat nila nang mapatunayang totoo ang sinasabi ni Raoul. Nadagdagan ang kasiyahan ng mga kapitbahay nang nalaman nilang malinis ang tubig at ligtas na inumin.
Kumalat ang balita tungkol sa kakayahan ni Raoul na tinawag na “water witching” or water dowsing. Naging in demand siya sa paghahanap ng bukal ng tubig. Ang pananakit ng kanyang tagiliran ang ginagamit na “panturo” kung nasaan ang tubig. Maglalakad lang siya at hihinto kapag may naramdamang may sumusundot sa kanyang tagiliran. Kung saan siyang tapat huminto, iyon ang huhukayin at presto, 100 percent na tumatama siya na naroon ang bukal ng tubig.
Simula noon, nakipagtulungan na si Raoul sa pamahalaan para mabigyan ng suplay ng tubig ang iba’t ibang komunidad.