EDITORYAL - Gov’t agencies ang nag-aaksaya ng tubig
PATULOY ang pagbaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam. Noong Sabado, 179.99 metro ang level ng tubig. Mababa na ito sa 180 meters na minimum operating level ng dam. Ayon sa mga awtoridad, kapag nagpatuloy pa ang pagbaba ng level nahaharap sa matinding krisis sa tubig ang mga taga-National Capital Region (NCR). Halos lahat sa NCR ay nagdedepende sa tubig na galing sa Angat Dam.
Kaya ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko, magtipid sa tubig upang hindi maubos ang nakaimbak sa dam lalo’t nararamdaman na ang pananalasa ng El Niño phenomenon. Ayon sa PAGASA, lubos na mararamdaman ang El Niño sa Oktubre kung saan posibleng magkaroon ng tagtuyot sa maraming lugar sa bansa. Noong isang araw, may naiulat na marami nang natutuyong palayan sa Occidental Mindoro. Ang katatanim na palay ay natutuyo na. Walang maitustos na tubig sapagkat umaasa lamang sa ulan ang mga palayan.
Ang napipintong kakapusan ng tubig sa NCR ay nakabahala sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaya pinayuhan ang mga residente na magtipid sa tubig. Isang direktiba ang nilabas ng DENR na paigtingin ang pagtitipid ng tubig. Sakop sa kautusan ang barangay officials, condominium at subdivision managers. Inaatasan ang mga residente na bawasan ang pagkunsumo ng tubig. Limitahan ang pagdidilig ng mga halaman at paghuhugas ng mga sasakyan.
Sinabi rin ng DENR na may mga ahensiya ng gobyerno na masyadong marami kung gumamit ng tubig base sa laki ng bills na binayaran buwan-buwan. Hindi pinangalanan ang mga ahensiya ng gobyerno. Ayon sa DENR, umaabot sa P15 milyon hanggang P17 milyon ang binabayarang water bills. Napakalaki ng kunsumo. Hinala ng DENR, may mga leak ang mga tubo sa mga ahensiya ng gobyerno kaya ganun kalaki ang binabayaran. Dapat i-check ito ng mga ahensiya dahil nasasayang ang tubig.
Nararapat pangalanan ng DENR ang mga ahensiya para nalalaman nila ang ginagawang pag-aaksaya ng tubig. Kung hahayaan sila, hindi lamang pera ng pamahalaan ang mauubos kundi pati na rin tubig. Imagine kung P15 hanggang P17 milyon ang binabayaran ng mga ito buwan-buwan. Napakalaking pera na dapat ay nagamit na sa iba pang makabuluhang bagay.
Walang saysay ang pagtitipid ng mamamayan kung marami naman palang ahensiya ng gobyerno ang walang taros sa paggamit ng tubig. Dapat ang pamahalaan ang maging halimbawa sa pagitipid ng tubig. Ngayong nakaharap sa matinding krisis sa tubig ang bansa, dapat manguna ang gobyerno sa tamang paggamit ng tubig.
- Latest