Sino ang ihahabla kapag sa kompanya galing ang tumalbog na tseke?
Dear Attorney,
Sino po ba ang dapat idemanda para sa tumalbog na tseke na inisyu ng aking dating kompanya para sa aking final pay? —Kaye
Dear Kaye,
Kung ang demanda ay para makuha mo ang iyong dapat na matanggap na final pay, ang kompanya ang dapat mong ihabla mapa-labor case man iyan o kasong sibil.
Kung ang demanda naman ay para may managot sa pagtalbog ng tseke, ang mismong pumirma sa tseke ang iyong dapat kasuhan ng criminal case sa ilalim ng Batas Pambansa (BP) bilang 22.
Malinaw ang Section 1 ng BP 22 ukol sa kung sino ang dapat managot kung isang kompanya ang nag-isyu ng tumalbog na tseke: “[w]here the check is drawn by a corporation, company or entity, the person or persons, who actually signed the check in behalf of such drawer shall be liable under this Act.”
Kaya kung ang pagdedemanda mo ay para makuha ang final pay mo, ang kompanya ang dapat mong ihabla. Kung ang balak mo namang isampa ay kriminal na kaso para sa tumalbog na tseke, ang indibidwal na siyang nakapirma sa tseke ang dapat ihabla sa ilalim ng BP 22.
- Latest