Musoleo  

ITO ay kuwento ng naging maid ng isang mayamang pamilya sa bandang southern Tagalog:

Bagong kasal pa lang sina Merly at Frank nang kuhanin nila akong katulong mula sa agency na pag-aari ng tiyahin ni Merly. Kaya buong-buo kong nasubaybayan ang kuwento ng kanilang pamilya. Namatay sa panganganak si Merly Eladio sa kanyang panganay na si Riza. Walong taon si Riza nang maisipang mag-asawang muli ni Frank. Ang ipinalit niya kay Merly ay tipikal na madrastang masungit, si Lulu.

Saksi ako sa madalas na pananakit ni Lulu kay Riza. Kahit ko isumbong kay Frank ang ginagawa sa kanyang anak, binabale-wala lang niya ito at sinasabing bahagi lang daw ito ng pagdisiplina sa bata. Pansin ko, kamping-kampi si Frank kay Lulu. Wala akong magawa kundi aluin si Riza pagkatapos na paluin ito ng madrasta.

Mga kinse anyos na noon si Riza nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng kanyang madrasta. Ang huli kong narinig na sinabi ni Riza matapos siyang sampalin ng madrasta ay: Kahit lumuwa ang aking mata sa kasasampal mo, hinding hindi kita matatanggap bilang kapalit ng aking ina!

Hindi nakakibo si Lulu. Si Riza naman ay nagtatakbo palabas ng gate upang tumawid sa kabilang kalsada. Doon kasi nakatira ang kanyang mga bestfriend na takbuhan niya kapag nag-aaway sila ng madrasta. Nagkataong may humaharurot na sasakyan paglabas ni Riza sa gate. Nasapol ng sasakyan ang katawan ng aking alaga.

Halos mawalan ako ng ulirat nang yakapin ko ang duguang katawan nito. Nakuha pang imulat ni Riza ang mata at bumulong ng yaya. Nang lumaylay ang ulo nito sa aking braso, alam kong patay na siya. Ilang araw akong parang wala sa sarili. Pakiramdam ko’y nawalan ako ng isang pinakamamahal na anak.

Lahat ng pamilya ni Merle at Frank ay sinisisi si Lulu sa kamatayan ni Riza. Nang magkaharap-harap sa burol, walang nagawa si Frank nang sugurin ni Lola Gloria, ina ni Merle, si Lulu at binigyan ng mag-asawang sampal.

Mga isang linggo ang nakaraan pagkatapos ilibing si Riza, inatake ng alta presyon si Lulu. Hindi nito nakayanan ang patong-patong na guilt, galit at paninisi ng buong pamilya Eladio. Patay na siya nang isugod sa ospital.

Inilibing si Lulu sa musoleo ng pamilya Eladio sa ibabaw ng puntod ni Riza. Sa katabing puntod naman ay kay Merle. Dalawang araw pagkatapos ilibing si Lulu ay naisipang magpadasal ni Frank sa mismong musoleo. Kasama ako dahil kakilala ko ang kinuhang magdadasal. Anong gulat namin nang makitang nakakalat ang mga bulaklak, basag ang candelario at flower vase. Ang tapat ng kinalilibingan ni Lulu ay may lamat na parang pinukpok ng matigas na bagay. Tila may naghuramentado sa loob ng musoleo. Ang musoleo ay may matibay na bubong, konkretong pader, bakal na pintuan at nakasara ang padlock nang dumating kami. Sino ang gumawa noon?

Maya-maya ay hinimatay ako at hindi ko na nalaman pa ang sumunod na pangyayari. Ayon kay Frank at sa magdarasal: Bigla raw nagbago ang boses ko, naging matinis kagaya ng boses ni Riza. At ito ang aking sinabi: Daddy, ayaw namin ni Mommy na makasama ang babaeng ‘yan. Alisin mo siya dito!

Agad na inilipat ang bangkay ni Lulu sa libingan ng magulang ni Frank na naroon din sa sementeryong iyon.

Show comments