EDITORYAL — Nakakahiya!
TATLONG beses nang nagkakaroon ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong taon na ito. Ang pinakahuli ay noong Biyernes kung saan, nawalan na naman ng kuryente. Nakakahiya na ito. Hindi na nagkaroon ng leksiyon ang pamunuan ng NAIA.
Dakong 12:51 p.m. nagkaroon ng power outage at naibalik dakong 1:29 p.m. Sa loob nang kalahating oras na pagkawala ng kuryente, humaba ang pila sa Immigration counters. Marami ang nagreklamo sa sobrang init. Nakita sa mukha nila ang pagkadismaya.
May mga naapektuhang flight dahil sa pagkawala ng kuryente. Nag-sorry naman ang Meralco sa nangyari. Isang worker umano nila ang naging dahilan ng power outage. May naiwan umanong gamit ang worker sa site. Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na dapat sibakin lahat ni President Ferdinand Marcos Jr. ang NAIA officials dahil sa kahiya-hiyang nangyari.
Unang nawalan ng kuryente sa NAIA noong Enero 1, 2023 nang mawalan ng kuryente ang air navigation facility ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Nasa 56,000 pasahero ng local at international flights ang naapektuhan. Ang power outage ay nagresulta sa pagkawala ng komunikasyon, radio, radar at internet sa NAIA.
Ang ikalawang power outage ay noong Mayo 1, 2023. Marami ang hindi nakaalis at nakarating sa tamang oras dahil sa pagkawala ng kuryente. Bukod sa karimlan, nakaranas din nang grabeng init. Nasa 40 domestic flights ang nakansela at naapektuhan ang mahigit 9,000 pasahero. Nawala ang kuryente dakong 1:05 ng umaga at naibalik ng 8:46 ng umaga. Ayon sa Meralco, short circuit at faulty wiring ang dahilan ng power outage.
Ngayong naulit na naman ang pagkawala ng kuryente, tila hindi nagkaroon ng leksiyon ang NAIA. Bakit kailangang maulit ang nakahihiyang pagkawala ng kuryente sa interational airport. Wala pang isinasagawang pagsasaayos mula Mayo 1 na nakaranas ng ikalawang power outage. Hindi pa gumagawa ng hakbang para maiwasan ang blackout. Hindi na nakapagtataka kung sa mga susunod na araw o buwan, mawala uli ang kuryente sa NAIA.
Ang nangyaring outage ay karagdagang puntos na naman para tawaging pinaka-worst airport ang NAIA. Dahil sa mga pagpapabaya, nasasayang ang pagsisikap ng pamahalaan na makahikayat ng mga dayuhan at balikbayan na bumisita sa Pilipinas. Masisiyahan ba ang mga dayuhan kung sa NAIA pa lamang ay pawang problema na ang kanilang mararanasan? Sino ang gugusto sa bansa na pawang pagkadismaya ang masusumpungan? Kakahiya!
- Latest