Paano maging kalmado kapag may problema?
Sa araw-araw na pamumuhay ng sinuman, mahalaga ang laging mahinahon sa anumang bagay na kinakaharap niya. Hindi talaga maiiwasan ang mga pagkakataon na sino man ay maiinis, magagalit, mag-iinit ang ulo, magwawala, mapapasigaw, mapapamura, hanggang sa umabot sa sandaling mapapaaway na siya kapag merong biglang dumarating na sigalot o problema, maliit man o malaki. Pero bahagi na ng buhay ang problema. Walang taong hindi nagkakaproblema. At nag-aanak ng dagdag na problema ang init ng ulo.
Nakakasama rin sa kalusugan ang anumang negatibong reaksyon sa mga problemang ito kaya kailangang laging kalmado. Minsan nga, may isang centenarian o yaong tao na mahigit 100 taong gulang na ang edad ang nagsabi na hindi siya marunong magalit na isang bagay na sinasabing maaaring isang dahilan ng mahaba niyang buhay.
May mga tao rin na tahimik na nagdadasal kapag merong biglang dumating na problema o kaya ay nagbibilang ng hanggang 10 o mahigit pa para manatiling mahinahon kapag nakakaramdam siya ng pagkainis o pagkaasar sa mga nakakaharap niya. Meron ding pagkakataong may mga tao na biglang naninikip ang dibdib o inaatake sa puso sa biglang pagsulpot ng isang malaking problema.
Gayunman, hindi naman lahat ng tao ay magagawang maging kalmado sa lahat ng pagkakataon. Pero mainam din na mapag-aralan at makasanayan hangga’t maaari ang laging maging mahinahon.
Sa Quora Digest, inilatag ng Human Mind Readers ang ilan nitong mungkahing paraan para maging kalmado sa mga sandali ng problema sa buhay. Isa rito ang paglalakad. Nakakapaglinaw ng pag-iisip ang paglalakad na nagbibigay ng ibang perspektiba. Maglaan ng panahon para gawin ang gusto mong gawin. Nakakapagpagaan din ng kalooban na tumulong sa ibang tao na kakilala man o hindi.
Tumambay sa isang lugar at damahin ang kapaligiran. Hindi kailangang makipag-usap sa mga tao. Magsaliksik hinggil sa iyong nararanasan. Magsagawa ng kaukulang pag-aaral para matutunang harapin ang mga problema.
Makakatulong din, ayon sa Human Mind Readers, na isulat nang maaga ang mga dapat gawin sa susunod na mga araw. Ilista ang 20 sa iyong mga kalakasan. Manatiling kumikilos. Gumawa ng kahit anong maliliit na hakbang. Hindi makakatulong sa iyong sarili na magmumukmok ka lang sa isang sulok o wala kang ginagawa.
Balikan ang anumang dati mong hilig o hobby na matagal mo nang itinigil o kinalimutan o nakalimutan. Kung wala kang hobby noon, gumawa ng bago. Matutong matukoy ang iyong mga prayoridad. Pagdesisyunan kung ano ang importante sa iyo ngayon. Tumanggi sa mga ekstrang obligasyon. Huwag masyadong seryosohin ang buhay, ayon sa Human Mind Readers. Gawin ang dati mong ginagawa noong bata ka pa.
Iminungkahi rin ang pag-iyak. Makakapagpagaan ng damdamin kung iiyak ka para mailabas ang lahat ng iyong emosyon. Matulog nang sapat—pito hanggang siyam na oras.
Mainam din na isulat sa isang kuwaderno o diary o anumang mapagsusulatan ang lahat ng iyong iniisip at nararamdaman para maunawaan nang malinaw ang mga ito. Malaking idea ito kapag nagkakaroon ka ng stress, depression o anxiety. Makakatulong ito para makontrol mo ang iyong damdamin at mapabuti ang iyong mental health. Paalalahanan ang sarili na ang buhay ay isang paglalakbay. Pansamantala lang ang iyong pinagdaraanan. Lalagpas din ito.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest