Mistulang nag-iba na ang ihip ng hangin.
Hindi na umano bubuwagin ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng Special Operation Units (SOU) ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) sa bansa.
Lumutang ang rekomendasyon sa pagbuwag makaraan ngang magkaroon ng batik ang PDEG kaugnay sa nasabat na P6.7 bilyong halaga ng shabu.
Lumutang din ang umano’y cover-up ukol dito kung saan ilang mataas na opisyal ang idinawit.
Nabulabog nang husto sa isyung ito ang PNP. Hanggang sa ngayon nga ay binubusisi pa ito ng Senado.
Dahil nga sa mga alingasngas na ito, nairekomenda na buwagin na ang SOU at DEU.
Ayon kay PNP chief General Benjamin Acorda Jr., mas makabubuti umano kung hihigpitan na lamang ang vetting process o pagkuha ng mga tauhan ng PNP na itatalaga sa SOU at Drug Enforcement Units (DEU).
Kailangan umanong masala ito nang husto upang maiwasan na masangkot mula sa kontrobersiya.
Malaki ang magiging pananagutan ng mga field commander sa paghihigpit.
Pipirma sila sa dokumentong nagpapatunay na nakapagsagawa sila ng mahigpit na background check sa mga pulis na ilalagay sa naturang mga unit.
Mas matinding command responsibilities ang nakapatong sa kanilang balikat at posible silang maharap sa serious neglect of duty kung maglalagay sila ng mga tiwaling tauhan.
Kung sabagay maaapektuhan nga naman ang operasyon sakaling buwagin ang mga units na ito.
Baka nga naman mawalan ng ngipin ang war on drugs ng pamahalaan kung bubuwagin ang special unit o ang mismong PDEG.