ISANG 16-anyos na high school student sa South Korea ang inaakusahan na sapilitan nitong tinattooan ang dalawa niyang kaeskuwela na ilang taon na niyang binu-bully!
Kinumpirma ng Incheon Nonhyeon Police Department na kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang isang kaso kung saan sapilitan na pagta-tattoo ng isang notorious high school bully sa dalawang teenager para pagpraktisan ang mga ito.
Nagsampa ng reklamo ang magulang ng unang biktima noong Marso matapos nilang aksidenteng makita sa binti ng kanilang anak ang isang isdang tattoo na pangit ang pagkakagawa. Nang kinompronta ang 15-anyos na anak, umamin ito na sapilitan siyang tinattooan ng isang schoolmate na dalawang taon na siyang binu-bully. Sa sanaysay ng unang biktima, tinakot at pinilit siyang sumama sa isang motel sa Incheon noong Oktubre 2022. Habang nasa motel, ginulpi siya at sapilitang nilagyan ng tattoo sa binti na may habang 22cm.
Matapos kumalat ang balita tungkol dito, may pangalawang biktima na naglakas-loob magsalita laban sa suspek. Ayon sa pangalawang biktima, sapilitan din siyang nilagyan ng tattoo sa dibdib, balikat at braso. Kahit nagreklamo na sa pulis ang mga magulang nito, hindi tumigil ang suspek sa pambu-bully. Ang biktima ay natakot nang pumasok sa school.
Itinanggi ng suspek ang mga akusasyon sa kanya. Ayon pa sa magulang ng suspek, naniniwala sila sa kanilang anak na walang pamimilit na nangyari dahil imposibleng ipilit sa isang tao ang tattoo procedure.
Sa kasalukuyan, kinasuhan ang bully ng grave coercion at paglabag sa medical law sa South Korea kung saan lisensiyadong doktor lamang ang maaaring maglagay ng tattoo. Ang multa sa lalabag ay 50 million won at dalawang taon na pagkakabilanggo.