WALANG pakundangan na kinain ng isang art student sa South Korea ang banana artwork na nagkakahalaga ng $120,000!
Noong nakaraang Abril 27, kinain ng Seoul National University art student na si Noh Hyun Soo ang saging mula sa sikat na art installation ng Italian visual artist na si Maurizio Cattelan na naka-exhibit sa Leeum Museum of Art.
Ang nasabing artwork na pinamagatang “Comedian” ay art installation na ang isang saging ay nakadikit sa pader gamit ang duct tape. Pinag-usapan ang artwork na ito sa mundo ng sining matapos itong mabenta sa halagang $120,000 sa Art Basel Miami Beach noong Disyembre 2019.
Hindi naagapan ng mga staff si Noh dahil napakabilis ng mga pangyayari at agad nakain nito ang saging. Pagkaubos sa saging, ibinalik ni Noh sa pagkakadikit sa pader ang balat nito. Nang tinanong si Noh kung bakit niya ito ginawa, ang dahilan nito ay nagugutom kasi siya.
Ayon sa spokesperson ng museum, na-inform na nila ang Italian artist tungkol sa nangyari sa “Comedian”. Hindi nagalit si Cattelan at ang tanging sinabi nito ay “No problem at all”.
Napag-alaman na ang saging sa “Comedian” ay regular na pinapalitan ng bago at sariwang saging every two to three days.
Walang parusa na ipinataw ang museum kay Noh dahil agad din namang napalitan ang kinain nitong saging. Mananatali sa Leeum Museum of Art ang “Comedian” at ang buong exhibition ni Cattelan hanggang Hulyo 16, 2023.