Mga scientist, tinuruan ang mga parrot kung paano mag-video call!

ISANG grupo ng mga siyentipiko at researchers sa U.S. at Scotland ang nagsagawa ng pag-aaral kung saan tinuruan nila ang mga parrot kung paano mag-video call.

Ang team ng researchers na kabilang sa pag-aaral na ito ay nagmula sa Northeastern University, The Massachusetts Institute of Technology at The University of Glasgow. Pinamagatan nila ang research na: Birds of a Feather Video-Flock Together: Design and Evaluation of an Agency-Based Parrot-to-Parrot Video-Calling System for Interspecies Ethical Enrichment.

Ang pag-aaral na ito ay naglalayon na malaman ang social behavior ng isang alagang parrot sa kanyang mga kauri na ang gamit lamang na komunikasyon ay isang gadget.

Sinimulan ang research study sa pagtuturo sa 15 parrot kung paano patunugin ang bell sa kani-kanilang mga hawla kapag gusto nitong gumamit ng tablet para makipag-video call. Sa screen ng tablet, may nakahanay na mga litrato ng ibang ibon para pagpilian kung sino sa mga ito ang maaaring maging ka-video call. Gamit ang tuka, hahayaan ng researcher na pumili mag-isa ang parrot sa kung sino ang gusto nitong makausap.

Ayon sa researcher na si Jennifer Cunha, napansin nila na kahit sa screen lang nag-uusap ang dalawang ibon, ang inuugali nila ay tila sila ay nasa kagubatan. Hu­muhuni sila sa isa’t isa at minsan ay kumakanta. Napatunayan din ng researchers na may nadedebelop na pagkakaibigan sa mga video calls dahil ang bawat ibon ay consistent at iisa lamang ang pinipi­ling ka-video call.

Sa pag-aaral na ito, na­pag-alaman na makatutulong ang bird-to-bird video call upang mapangalagaan ang well-being ng alagang ibon lalo na ang mga nag-iisa sa kanilang hawla.

Show comments