BAKA nalilibang ang maraming motorista na regular na dumadaan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ngayong araw na ang full implementation ng motorcycle, bicycle lanes sa naturang lansangan.
Isa ang Commonwealth Avenue sa pinaka-busy na kalye sa Metro Manila na dahil nga sa malawak na lane ay tinagurian ding ‘killer highway’sa bansa.
Nakapaglabas na rin ng guidelines ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagpapatupad sa bicycles, motorcycles, at para sa iba pang behikulo na dumaraan dito.
Layon kasi nito na mabawasan ang mataas na aksidenteng nagaganap partikular nga sa mga rider ng motorsiklo.
Ika nga iba na ang may alam, dahil magsisimula na ang hulihan at paninikit sa lalabag sa mga exclusive lanes.
Base sa memorandum ng MMDA, ang unang lane buhat sa sidewalk sa naturang lansangan ay para sa bicycles.
May mga pavement markings na aalalay sa mga motorista para masunod ang inilaang mga lanes.
Ilang linggo na rin namang nagsagawa ng dry run dito ang MMDA para maging pamilyar ang mga motorista para sa full implementation nito at nang hindi magkalituhan.
Medyo malaki ang inilaang multa sa mga lalabag kaya kailangang alamin ang lane na dapat tahakin.
Aabot sa P1,200 ang multa sa mga lalabag na PUV drivers, P500 sa motorcycle drivers , gayundin sa iba pang drivers ng behikulo na P500 din.
Bukod sa mga exclusive lane may dapat din silang malaman sakaling magmamaniobra o mag-uuturn.
Sana nga ay maging daan ito para mabawasan man lang ang aksidente sa naturang lansangan, pero kung talagang paiiralin ang pagiging pasaway, eh naku baka imbes na mabawasan eh lalong tumaas ang trahedya sa lansangan.
Talagang ang mga ‘pasaway’, kaskasero at walang disiplina sa pagmamaneho ang numero unong sanhi ng mga disgrasya sa daan.
Ang mga ito ang dapat na mawalis sa lansangan.