Dear Attorney,
Madedemanda ba kaagad kapag tumalbog ang tseke? Hindi pa kasi ako makakapag-deposit sa bank account ko para mapondohan ang post dated check na inisyu ko last year bilang pambayad ng utang. —Trina
Dear Trina,
Maaring mademanda sa kasong estafa o Batas Pambansa bilang 22 (BP 22) ang sinumang mag-isyu ng tumalbog ng tseke pero hindi naman ibig sabihin nito ay may krimen na kaagad matapos tumalbog ang tsekeng inisyu.
Kailangang malaman muna kasi ng nag-isyu ang pagtalbog ng kanyang tseke bago masabing may krimen na nagawa. Sa ilalim ng BP 22, binibigyan ang nag-isyu ng limang araw para magbayad matapos niyang malaman ang pagtalbog ng kanyang tseke.
Binibigyan din ng palugit ang nag-isyu ng tseke pagdating sa estafa ngunit sa halip na lima ay may tatlong araw lamang ang nag-isyu upang mabayaran ang halaga ng tseke matapos niyang malaman ang pagtalbog nito.
Base sa mga nabanggit, hindi ka kaagad matatawag na guilty ng estafa o ng paglabag sa BP 22 kapag tumalbog ang tseke mo. May tatlo hanggang limang araw ka pa matapos mong malaman ang pagtalbog ng iyong tseke (na karaniwan ay sa pamamagitan ng demand letter) upang mabayaran ang halaga nito bago masabing may sala ka na sa ilalim ng batas.