ISANG lalaki sa Taiwan ang nahaharap sa dalawang buwan na pagkakakulong matapos may maaksidente dahil sa kanyang alagang parrot!
Naganap ang insidente sa Tainan city, nang ipinasyal ng lalaking kinilala sa pangalang Huang ang kanyang dalawang alagang Macaw sa isang local park.
Ang isa sa mga parrot ni Huang ay dumapo sa balikat ng isang jogger at bayolenteng ipinagaspas ang pakpak nito. Sa takot ng jogger, nawalan ito ng balanse at aksidenteng natumba. Nagtamo ang jogger ng dislocated hip joint at fractured pelvis na dahilan para ito maospital at magpagaling sa matagal na panahon.
Ayon sa jogger na itinago sa alyas na “Dr. Lin”, isang linggo ang itinagal niya sa ospital at anim na buwan siyang hindi nakapagtrabaho. Isang plastic surgeon si Dr. Lin at kailangang nakatayo siya sa mga procedure na isinasagawa niya sa kanyang mga pasyente. Dahil dito naghain ng demanda si Dr. Lin dahil malaking financial loss ang naging epekto ng mga natamo niyang injuries.
Pumanig ang Taiwan Tainan District Court kay Dr. Lin dahil napatunayan na naging pabaya si Huang sa kanyang mga parrot. Ang mga parrot ni Huang ay may tangkad na 40 cm at lapad na 60 cm. Nasa kategoryang “large animal” ang kanyang parrot at nakita sa imbestigasyon na wala siyang inihanda o ginawang pag-iingat sa oras na maging sanhi ng aksidente ang kanyang mga alaga.
Hinatulan ng “causing unintentional injuries” si Huang at binigyan ng parusa na dalawang buwan na pagkakakulong. Kailangan din niyang magbayad ng danyos perwisyo kay Dr. Lin na nagkakahalaga ng 3.04 million New Taiwan dollars.