MAYROON na namang pinatay na domestic helper sa Kuwait. Siya si Jullebee Ranara, 35, may-asawa at tatlong anak. Anak ng kanyang amo ang pumatay kay Jullebee noong Enero 21. Nagsimulang magtrabaho sa Kuwait si Jullebbe noong nakaraang taon. Hindi siya ang unang Pinay workers na pinatay. Noong 2017, pinatay si Joanna Demafelis. Noong 2018 si Constancia Dayag at noong 2019, si Jeanelyn Villavende.
Ang mga nabanggit na Pinay ay karumal-dumal ang ginawang pagpatay. Si Demafelis pagkatapos patayin ng mga amo ay isinilid ang katawan sa freezer. Mga taong wala sa katinuan ang makagagawa ng ganito. Nasaan naman ang puso ng Kuwaiting employer at kailangang patayin ang taong nagsisilbi sa kanila.
At nangyari muli ang pagpatay sa Pinay na si Jullebee na ang bangkay ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes, dakong alas nuwebe ng gabi. Hindi mailarawan ang lungkot ng mga kaanak ni Jullebee nang makita ang kahon na kinalalagyan ng bangkay ni Jullebee. Marami sa kanila ang umiyak pero sa kabilang bahagi ng kanilang utak ay naroon din ang matinding poot at humihiyaw ng hustisya.
Natagpuan ang sunog na bangkay ni Jullebee sa isang disyerto sa Kuwait. Halatang pinahirapan ito dahil sa pagkabasag ng bungo at may mga sugat sa katawan. Ayon sa report ng Kuwaiti police, ginahasa umano si Jullebee.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople, naaresto na ang 17-anyos na anak na lalaki ng employer ni Jullebee. Inamin na umano ang krimen. Kasalukuyan daw nakakulong ang tinedyer. Ayon pa rin kay Ople, hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi napaparusahan ang pumatay kay Jullebee.
Hindi pa malaman kung hanggang kailan tatagal ang paglilitis sa killer ni Jullebee.
Dapat ihinto muna ang pagpapadala ng household workers sa Kuwait habang hinihintay na malutas o maparusahan ang pumatay kay Jullebee. Ito ay para maiwasan na mayroon na namang mangyaring pagpatay sa mga Pilipinang manggagawa roon. Kailangang maging matigas at may paninindigan ang pamahalaan sa ginagawang pagpatay sa mga Pilipinang household workers na maraming beses nang nangyari.