Obesity, lumalalang problema

NOONG ako’y nasa high school, payatot ang tukso sa akin ng mga kaklase kong matataba. Inggit na inggit ako sa kanila, sapagkat ang akala ko, ang pagiging mataba ay nangangahulugan ng pagiging malusog. Marami sa mga kaklase kong ito’y maagang binawian ng buhay.

Kaya nakaaalarma ang resulta ng pinakahuling survey ng Food and Nutrition Research Institute ng DOST na nagsasabing 27 milyong Pilipino edad 20 pataas ang sobrang taba o obese. Sa buong mundo, tinatayang 800 milyong tao ang obese na nanganganib tamaan ng cardiovascular disease, diabetes, at ilang uri ng cancer. Mataas din ang posibilidad na magka-COVID ang taong obese.

Dati, ang obesity ay problema lang ng mayayamang bansa. Pero ngayon, ito’y problema na rin ng mahihirap na bansa na tulad natin. Noon, mayayaman lang ang nagiging obese, pero ngayon, marami na ring mahihirap ang obese. Marami ring bata pa lang ay obese na. Ayon sa DOH, ang uri ng pagkaing ibinibigay sa bata sa unang 1,000 araw mula nang siya’y isilang ay kritikal sa magiging kalusugan nito sa kanyang paglaki.  Pinangangambahan na kung walang gagawing konkretong hakbang ay aabot sa 40 milyong Pilipino ang magiging obese pagsapit ng 2030.

Ang dalawang bagay na sangkot sa obesity ay ang nutrition at physical activities. Total community approach ang kailangan para masolusyunan ang problema. Halimbawa: Napapanahon nang gumawa ng mga batas na magre-regulate sa production, marketing at promotion ng mga pagkaing matamis, maalat at sobra sa fats. Hinahanap-hanap ng mga bata ang mga junk foods, sapagkat ito ang lagi nilang nakikita sa telebisyon at social media. Mangangailangang pukawin ang sense of social responsibility ng mga food manufacturers upang gumawa sila ng mga produktong masustansya. Hindi lamang sana tubo ang kanilang iniisip, kundi ang kalusugan ng mamamayang Pilipino.

Hindi lamang sana mga kalsada at tulay ang maging prayoridad ng DPWH at ng local government units, kundi maging ang pagtatayo nang maraming parks kung saan ligtas na makapag-eehersisyo ang mga mamamayan. Mag-designate ng mga bike lanes at bantayan ng mga pulis ang mga major streets upang ligtas na malakaran ng mga tao. I-regulate ang mga tricycles na isa sa mga dahilan kung bakit naging tamad ang mga tao sa paglalakad, kasi, dinadala ng tricycle ang pasahero hanggang sa may pintuan ng bahay nito.

Kailangang paigtingin ng DepEd ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa nutrition at physical activities, tulad ng sports, upang makalikha ng mga batang matatalino at malulusog na bubuo sa isang matatag na republika. Kailangang maglunsad ang Agriculture Department ng programang direktang magdadala sa mga pamilihan ng mga mura at sariwang produktong agrikultural. Mangyayari lang ito kung bubuwagin ang mga gahamang middlemen na nagkakapera habang nananatiling mahirap ang mga magsasaka.

Ang tamang nutrition at physical activities ay isa ring paraan ng pagpaparangal sa Diyos, tulad ng sinasabi sa 1 Corinto 10:31, “Kaya nga, kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.”

Maaaring hindi naghahanap ng mabilisang solusyon ang obesity na tulad ng problema sa patuloy na pagtaas ng halaga ng bilihin, pero kung hindi ito pag-uukulan ng pansin ngayon, baka hindi na natin masolusyunan sa haharaping panahon.

Show comments