PANANDALIANG isinara sa publiko ang Dallas Zoo matapos madiskubre ng mga staff na wala sa kanyang kulungan ang Clouded Leopard.
Agad ipinatawag ang mga Dallas police sa zoo para tumulong na hanapin ang 25 pound female leopard na si Nova sa zoo na may lawak na 106 acres.
Ayon sa Facebook post ng Dallas Zoo, agad nagdeklara ng “Code Blue” sa buong zoo nang makita ng mga staff umaga ng Friday the 13th na sira ang habitat enclosure ni Nova at hindi na ito makita.
Ang ibig sabihin ng “Code Blue” ay may nakatakas na “non-dangerous” animal sa habitat nito.
Ngunit kahit code blue ang emergency, agad ipinasara ang buong zoo at hindi na tumanggap ng mga bisita.
Natagpuan si Nova ng 5:15 p.m. malapit lamang sa habitat nito at walang nakitang injury sa babaeng leopard.
Sa kasalukuyan, naglunsad ng imbestigasyon ang Dallas Police Department upang malaman kung sinadyang sinira ang habitat ni Nova para ito makatakas.