EDITORYAL - Aberya sa NAIA at pagtaas ng gasolina

UNANG araw ng 2023, sinalubong agad ng aberya ang 56,000 pasahero na dumadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Hindi maipaliwanag ang pagkakaroon ng technical glitches na naging dahilan para ma-shutdown ang operations sa airport. Walang makababa at makaalis na eroplano dahil putol ang komunikasyon. “Bulag” ang mga piloto dahil sa nangyari. Marami sa mga paparating na eroplano (international flight) ay bumalik sa pinanggalingang airport. Walang magagawa sapagkat hindi makabababa sa NAIA. Kaya pagod na pagod ang mga pasahero. Hindi nila inaasahan na sasalubungin sila ng kakaibang pangyayari sa Bagong Taon.

Umabot sa 361 flights (local at international) ang naperwisyo. Maraming stranded na pasahero ang ­naglatag na ng karton sa malamig na flooring ng NAIA at nahiga para maibsan ang nararamdamang pagod. Marami ang nakayupyop na lamang sa kung saan-saan at hindi alam kung kailan sila makakaalis. Wala namang nagpapaliwanag sa kanila ng mga nangyari.

Ang aberya sa NAIA ang target ngayon ng im­bestigasyon sa Senado. Nararapat umanong malaman kung ano ang tunay na dahilan at nagkaroon ng aberya. Nararapat daw managot ang may kasalanan.

Dapat lang na magkaroon ng imbestigasyon sapagkat hindi maliit na pangyayari ito. At mayroon sanang marating ang imbestigasyon hindi tulad ng mga nakaraan na walang nahalukay na katotohanan. Ang nangyaring aberya sa NAIA ay malaking dagok sa turismo ng bansa. Sino namang turista ang matutuwa sa bansa na palpak ang airport. Hindi na sila babalik sa bansang dusa na ang inaabot sa airport pa lamang.

Bukod sa kapalpakan ng airport sa unang araw ng 2023, naghatid din ng pasakit ang bigtime oil price hike noong Martes (Enero 2). Binulaga ang mamamayan ng P2.90 na pagtaas sa gasolina at P2.10 sa diesel. Tinamaan ang mga driver ng jeepney na halos wala nang kinikita. Isa pang bumulaga sa riding public ay ang pagkaputol nang libreng sakay sa bus carousel. Malaking tulong ang libreng sakay sa mamamayan lalo sa kakarampot ang kinikita.

Unang araw ng 2023 ay aberya at pagtaas ng diesel at gasolina ang sumilay. Masolusyunan sana agad ng pamahalaan ang mga pasaning ito at hindi na muling maranasan pa sa hinaharap.

Show comments