ISANG animal shelter sa South Carolina, U.S.A. ang nagbigay ng babala sa mga pet owners na bantayang mabuti ang mga alagang pusa matapos nilang matuklasan na ang isa sa kanilang rescue cat ay binawian ng buhay matapos makalunok ng 38 piraso ng hair ties o pantali sa buhok!
Ang rescue cat na si Juliet ay natanggap ng Charleston Animal Society matapos itong ipaubaya sa kanila ng amo nito na kailangang lumipat sa malayong lugar.
Sa unang linggo pa lamang ng pusang si Juliet sa animal shelter napansin na ng mga volunteer doon na hindi maayos ang kalusugan nito.
Ayon sa namamahala ng Charleston Animal Society na si Kay Hyman, ayaw kumain ni Juliet at nang ipinasailalim nila ito sa radiograph, may nakita silang foreign object sa sikmura nito.
Nang operahan si Juliet, natagpuan ang 38 piraso ng hair ties. Naging kumplikado ang operasyon at tuluyang binawian ng buhay ang pusa dahil sa liver failure.
Dahil sa pangyayari, naglabas ng public service announcement ang Charleston Animal Society na huwag hayaan na maabot ng mga alagang pusa ang mga pantali sa buhok o kahit anong maliliit na bagay na maaaring malunok ng pusa o aso.