ANG tindi ng itinaas ng mga aksidente sa lansangan simula lamang nitong nakalipas na Nobyembre dahil sa pagmamaneho ng lasing.
Siyempre kabi-kabila ang party, ah marami pa rin ang matigas ang ulo na nagmamaneho kahit nakainom o lasing.
Nasa 90 porsiyento ang pagtaas sa trahedya sa lansangan na ang sanhi nga eh drunk driving, base yan sa data na inilabas ng PNP-Highway Patrol Group (HPG).
Inaasahan na nga ang ganitong pagtaas lalu pa nga at mistulang normal na normal na ang lahat matapos ang mga restriksyon sa higit dalawang taon dulot ng COVID-19 pandemic.
Nagbalikan na sa dati ang gawi ng marami kung saan nga marami ang nagsasagawa ng mga pagtitipon at mga pagpa-party.
Marami ang nag-iinom kahit pa nga alam nilang magmamaneho sila ng mga sasakyan.
Ang siste nga paglabas ng lansangan, disgrasya ang madalas na kinasasangkutan.
Ang masaklap pa nga eh may idinadamay sa kanyang kalokohan.
Base sa tala ng HPG sa buwan lamang ng Nobyembre ng kasalukuyang taon halos nasa 60 ang naitalang aksidente dahil nga sa pagmamaneho ng lasing.
Nasa 90.32 percent ang itinaas nito kumpara sa buwan ng Oktubre na nasa 31.
Dahil nga rito, mas paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatupad sa Anti- Drunk at Drugged Driving Act.
Dapat nga noon pa man nabantayan na ito, para kahit papaano eh naiwasan ang maraming aksidente sa lansangan.
Yun nga lang hindi malaman kung kumpleto ba sa kagamitan katulad ng breath analyzer testing equipment ang mga law enforcers para agad na matukoy ang isang hinihinalang motorista kung positibo sa alkohol.
Bukod sa breath analyzer, pwede rin naman na magsagawa ng sobriety tests ang mga law enforcement officer sa mga motorista, na dapat eh sumailalim sila sa ganitong pag-aaral katulad ng isinasagawa na sa ibang bansa.
Kabilang nga dyan ang eye test, walk and turn at one leg stand.
Hanggang hindi natatapos ang holiday season marami pa ang masusumpungang ganito, ang nagmamaneho ng nakainom o lasing.
Matagal na ang paalala sa mga nagmamaneho na ‘wag uminon kung magda-drive o ‘wag mag drive kung nakainom.
Laging isipin hindi lang siya mismo ang nalalagay sa panganib kundi maging ang iba pang makakasabayan niya sa lansangan.