SA bagong batas na ipinaiiral sa pagpapadala ng domestic household workers sa Saudi Arabia, mahigpit na ipinatutupad na dapat 24-anyos pataas lamang ang tatanggapin. Mahigpit na imo-monitor ang recruitment agencies sa pagkuha ng domestic helpers (DHs) at ang sinumang lalabag sa batas ay may katapat na mabigat na parusa.
Mariing sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na mahigpit na ipatutupad ang batas. Nakipagpulong na umano siya sa recruitment agencies at malinaw ang tungkol sa bagong batas na 24-anyos lamang pataas ang papayagang makapagtrabaho bilang household worker sa Saudi Arabia.
Sinimulan na noong Lunes ang pagproseso sa mga papeles ng mga magtutungo sa Saudi. Inaasahan na dadagsa ang mga mag-aaplay sa nasabing bansa lalo pa’t nagkaroon na ng kaluwagan matapos ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa Saudi Arabia. Ang Saudi Arabia ang itinuturing na may pinakamaraming OFWs. Malaking pera ang remittances ng mga Pinoy workers na malaki ang naitutulong sa ekonomiya ng bansa.
Ang bagong batas na nagpapatupad sa edad ng Pinay DH na ipadadala sa Saudi ay malaki ang maitutulong upang maiwasan ang mga trahedya ng OFWs partikular ang domestic helpers. Sa nakaraan, maraming recruitment agencies ang dinadaya ang edad ng ipinadadalang DH sa Saudi at maski sa ibang bansa sa Middle East. At karamihan sa mga ito ay nasasadlak sa malagim na trahedya. May ginagahasa ng amo, pinagmamalupitan ng among babae at pinagpapasa-pasahan ng mga kaanak ng amo para magtrabaho.
Pinakamasaklap ay may DH na nakakapatay ng among lalaki dahil ipinagtanggol ang sarili gaya ng sinapit ni Sara Balabagan na sinaksak at napatay ang kanyang among Arabo nang tangkain siyang gahasain noong 1994 sa United Arab Emirates. Katorse anyos lamang si Sara nang magtungo sa UAE pero pinalabas ng kanyang recruiter na 28-anyos siya para matanggap sa trabaho. Nakaligtas naman sa parusang kamatayan si Sara at nakulong ng isang taon at nagbayad ng “blood money” bago nakalaya noong 1996. Tinulungan siya ng isang Pinoy businessman sa pagbabayad ng “blood money”.
Hindi na dapat maulit ang nangyari kagaya ng kay Sara at iba pang Pinay DHs. Siguruhin na wala nang Pinay workers na mahuhulog sa kamay ng mga tusong recruiters at ligtas na sa kanilang manyakis na employer. Protektahan ang mga Pinay workers sa Saudi.