ANONG mararamdaman mo kung nalaman mo na ikaw ay may kaparehong pangalan at apelyido pero hindi naman kayo magkakilala o magkamag-anak? At hindi lang iyan, later on, ay matutuklasan mong magkapareho kayo ng propesyon, magiging ward mate sa ospital dahil ang ipagagamot ninyo ay parehong may kinalaman sa buto?
Si Geraint Woolfords, 77, ay kasalukuyang naka-confine sa Abergele Hospital sa North Wales nang may isa pang dumating na pasyente na ang pangalan din ay Geraint Woolfords. Kaya lang, mas bata ang isang ito, 52-anyos. Nagkataong sa iisang ward sila napapunta dahil sa magkapareho ang nature ng sakit nila.
Ang dalawa ay parehong retired policeman. Ang matandang Geraint ay dating presidente ng Conservative Club sa kanilang hometown sa Llandudno, Conwy County Borough North Wales. Ang batang Geraint ay current vice-chairman ng Conservative Club sa kanyang hometown ng Ruthin county town ng Denbighshire, North Wales. Ang Conservative Club na kinaaaniban nila ang pinakamalaking asosasyon ng political clubs sa buong United Kingdom.
Hindi sila magkakilala at sa ospital lang unang nagkita. Pagkaraang i-check ang kanilang family trees, napatunayang wala silang relasyon. Base sa public record office, sila lamang dalawa sa buong Britain ang may pangalang Geraint Woolfords.
Ang pagkakaroon pala ng dalawang pasyenteng magkapangalan sa iisang ward ay nagdulot ng sakit ng ulo sa staff ng ospital. Nagkataong magkatabi ang kanilang kuwarto. Kailangang 100 percent silang sigurado na ang gamot na ibinibigay nila ay para sa tamang Geraint. Ang batang Geraint ay inoperahan sa tuhod samantalang ang matanda ay inoperahan para sa hip replacement.
Napapatawa na lang ang staff sa tuwing may ibibigay silang gamot sa dalawang magkapangalang pasyente. Lagi silang nagtatanong ng: Are you sure, para sa akin ang gamot na ito? Magkaganoon pa man, itinuturing ang pangyayaring ito ng hospital spokesman bilang isang amazing coincidence—dalawang Geraint Woolfords na dating pulis at magkasabay na na-confine sa iisang ward.